
LUNGSOD NG MALOLOS- Nagbigay ng direktiba si Gobernador Daniel R. Fernando sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaang nasyunal at lokal na pamahalaan na aksyunan ang mga sanhi ng matagalang pagbaha sa limang lugar sa Bulacan sa ginanap na coordination meeting sa The Capitol Hostel sa lungsod na ito noong Huwebes, Setyembre 3.
Iprinisinta ng Pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na si Manuel M. Lukban, Jr. na ang pagbaha sa Brgy. Longos at Bulihan sa Lungsod ng Malolos, Malis sa Guiguinto, Panginay sa Balagtas, Masuso sa Pandi, at Saluysoy sa Lungsod ng Meycauayan ay hindi dahil sa high tide ngunit dahil sa nakaharang sa natural na daanan ng tubig na puno at halaman, pagtatayo ng mga informal settler at iba pang istruktura, maputik na mga ilog at sapa, hindi tamang pagtatapon ng basura, at barado, sira, at mababang posisyon ng mga culvert.
Kabilang sa iba pang sanhi na natukoy ay ang kawalan o puwang sa mga dike at river walls, kulang o sub-standard na water pumps, makikipot na floodways, at hindi napapanatiling floodgates.
Ang limang barangay na tinukoy ang unang mga lugar na sinuri, at nakatakdang magsagawa ang PDRRMO ng serye ng mga pag-aaral at pagsusuri sa iba pang bahaing barangay sa lalawigan upang malaman ang mga partikular na sanhi ng pagbaha at matukoy ang mga angkop na hakbang upang pigilan ang mga ito.
Inutusan ni Fernando ang mga opisyal sa lalawigan ng Department of Public Works and Highways na suriin kung kasama ang mga flood mitigation projects sa limang natukoy na lugar sa aprubado at na-badyetan ng General Appropriations Act sa kanilang ahensya.
Binigyan rin niya ng direktiba ang National Irrigation Administration na siguruhin na ang mga katubigan sa ilalim ng kanilang kapangyarihan ay walang mga nakaharang na maaaring pumigil sa natural na daloy ng tubig; habang tinagubilinan ang Department of the Interior and Local Government na garantiyahan na ipinatutupad ng mga opisyal ng barangay ang tamang pagtatapon ng basura sa kanilang mga nasasakupang komunidad.
“Hopefully, itong pagmi-meeting na ito ay matugunan natin ang mga problema sa baha. Magtulung-tulong po tayo, magsama-sama tayo. Huwag tayo magturuan kung sino ang gagawa. Gawin po natin ang ating magagawa alang-alang sa ating mga kapwa Bulakenyo,” anang gobernador.
Samantala, sa panig ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, ibinahagi ni Fernando na plano nito na bumili ng backhoes on barge, vacuum jetting trucks, at mobile pump sa pamamagitan ng Quick Response Fund.
Siniguro rin niya na makikipagtulungan ang mga tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga katapat nilang ahensya ng pamahalaang nasyunal upang magtulak ng parehong mabilisan at pangmatagalang hakbang para mapigilan ang pagbaha sa lalawigan.





