LUNGSOD NG MALOLOS– Sa isang pambihirang tugon sa panawagan ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order 2020-07 para sa pagpapanumbalik ng natural na estado at daloy ng tubig ng heavily silted na mga daluyan ng ilog, inihayag ni Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan, kasama ang mga tanggapan ng pamahalaang nasyunal at mga lokal na opisyal, ang pagpapatupad ng Bulacan River Dredging and Restoration Program sa buong lalawigan.
Iprinisinta ng gobernador sa mga kongresista, punong bayan, pangalawang punong bayan, at iba pang opisyal sa paglulunsad ng proyekto na ginanap sa EDSA Shangri-La Hotel kaninang umaga, ang kanyang nakikitang kongkreto at pangmatagalang solusyon sa deka-dekadang problema sa Bulacan.
Kasama rin ni Vice Gov. Alexis Castro ang buong puwersa ng Sangguniang Panlalawigan para sumuporta sa proyekto ng People’s Goveror na siyang kinakakitaan ng konkreto at malawakan at pangmatagalang solusyon upang masolusyunan ang dekada nang suliranin sa pagbaha sa probinsiya.
Ayon sa gobernador, upang mapanumbalik ang mga heavily silted na kailugan sa lalawigan partikular ang Angat River, Pamarawan River, Malolos River, Hagonoy River, at Guiguinto River, kailangan ang malawakang paghuhukay upang magbukas ng navigational channel sa offshore delta.
“The plan is to initially dredge the mouth of the river to enable us to enter smaller inland waters throughout the province. Environmental dredging combined with management of flood water movement, through the construction of floodwalls and floodgates will be the key to solve the decades-old flooding problem in the province,” aniya.
Buo ang pag-asa ni Fernando, na agarang mararamdaman ang epekto ng pagpapanumbalik ng mga kailugan, sa tulong ng pribadong katuwang na TCSC Corp., sa paparating na panahon ng tag-ulan.
“Ang mga expert engineers and geologists mula sa TCSC Corp. ay gagamit ng state of the art power dredging vessels na may kakayahang mag-dredge ng 1,500 hanggang 2,000 cubic meters per hour kumpara sa mga karaniwang draga na halos aabutin ng isang buwang operasyon para ma-dredge ang katumbas ng isang oras na volume na ito. It’s a game-changer,” anang gobernador.
Walang gagastusin ang Pamahalaang Panlalawigan sa proyekto, bagkus dadagdagan pa nito ang kita ng lalawigan sa pamamagitan ng revenue sharing sa komersyal na disposisyon ng mga mahuhukay na materyales mula sa mga kailugan upang suportahan ang malalaking reclamation projects.
Isasagawa nang may pangangalaga sa kapaligiran ang mga plano at disenyo ng programa sa pagpapanumbalik ng ilog. Ayon sa TCSC Corp., isasagawa ang sistematiko, siyentipiko at ecologically oriented na pagpapalalim ng heavily silted na mga kailugan sa Bulacan para unti-unting bumalik sa normal ang daloy ng tubig mula sa mga tributaries nito. Sa ganitong paraan, inaasahang mararamdaman ng mga residente ang magandang epekto ng proyekto sa buong lalawigan sa darating na tag-ulan. Inaasahang maiibsan ang pagbaha sa mga susunod na taon dahil tuluyan nang naibalik ang carrying capacity ng mga ilog at iba pang daluyan ng tubig.
“Ang ibang dredged materials ay gagamitin din sa pag-rerestore sa ating wetland ecosystem na ilalagay sa lugar na hindi magiging sagabal sa daloy ng tubig palabas sa ating mga ilog. Magtatanim po tayo ng mangroves dito upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating coastline ecosystem, at bilang biodiversity support as a breeding and feeding ground para sa iba’t ibang klase ng isda at marine species. This agricultural wetland is also proposed to enable solar and wind farming in the near future to provide carbon-free energy expected to cover about 50% of the energy needs of our fast-globalizing province,” pagpapaliwanag pa ng gobernador.
Bilang panghuli, nanawagan ang gobernador sa bawat Bulakenyo, mamamayan at opisyal, na gawin ang kanilang bahagi upang wakasan ang deka-dekadang problema sa malawakang pagbaha sa lalawigan.
“Hindi po tayo titigil hanggang hindi natitiyak ang mga maliwanag at kongkretong hakbang upang mabilisan at permanenteng masolusyunan ang problemang ito. Gusto po nating makatiyak na sa gabay at awa ng Diyos, at sa ating pagkakaisa, ang Lalawigan ng Bulacan sa ating panahon ay tuluyan nang lalaya sa napakatagal nang suliraning ito na labis na nagpapahirap sa ating mga kababayan,” aniya.
Tatayo si Fernando bilang tagapangulo ng Inter-Agency Committee, habang ang DENR Region 3 Regional Director ang gaganap bilang pangalawang tagapangulo, at ang Department of Public Works and Highways Region 3, DENR Environmental Management Bureau Region 3, at DENR Mines and Geosciences Bureau Region 3 ang mga miyembro.