DTI at DOLE, inalerto ni TESDAMAN sa pagbaba ng Alert Level 1 sa bansa

Ikinatuwa ni Sen. Joel TESDAMAN Villanueva ang balita ng Department of Trade and Industry na may tinatayang kalahating milyong trabaho ang ihahatid ng pagbaba ng Alert Level 1 sa bansa.

SEN JOEL “TESDAMAN” VILLANUEVA

This is a loud and clear alert signal for our workforce. Magandang balita para sa mga walang trabaho ang pagbaba ng Alert Level at kaso ng COVID-19 sa bansa, kaya tulungan natin ang ating mga manggagawa na ibalik ang sigla ng ating ekonomiya,” sabi ni Villanueva.

 

Base sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority noong Disyembre 2021, nasa 6.6% ang unemployment rate ng bansa, katumbas ng 3.27 milyong Pilipino na walang trabaho.

 

Hinimok din ni Villanueva ang Department of Labor and Employment na siguraduhing mapupunuan agad ng mga nangangailangan ng trabaho ang humigit kumulang na 500,000 na trabahong nabanggit ng DTI.

 

“Siguraduhin po natin ang kahandaan at kwalipikasyon ng ating mga manggagawa para mga trabahong naghihintay para sa kanila. Ipadama po natin sa kanila na ang pagbubukas ng ekonomiya ay para rin sa kanilang pag-asenso,” sabi ni Villanueva. 

 

Dagdag ng chair ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na kailangang tugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga manggagawa sa pagbubukas ng ekonomiya. Kabilang dito ang mabilisang pagproseso ng mga dokumentong kakailanganin para makapag-apply sa trabaho.

 

Sinabi rin ni Villanueva na bigyan pa rin ng atensyon ng DOLE at DTI ang proteksyon ng mga manggagawa sa ilalim ng Alert Level 1.

 

“Maliban sa may pandemya pa rin tayo, inaasahan rin po natin na babalik ang traffic at problema sa public transportation sa pagbubukas muli ng ating ekonomiya. Natuto na po tayo na ubos-oras at lakas ang mga ganitong mga problema, kung kaya dapat ipagpatuloy ang option ang ating mga mangagagawa na magtrabaho mula sa kanilang bahay basta kaya nilang maging produktibo,” sabi ng senador.

 

“Naiibsan din po ng telecommuting ang mga dati nang problema sa pagpunta sa trabaho gaya ng araw-araw na commute at traffic, lalo na ngayong walang tigil ang pagtaas ng presyo ng gasolina,” sabi ni Villanueva. 

 

Bago magpandemya, itinatayang halos halos 257 oras (10 araw at 17 oras) ang ginugol ng mga Pilipino sa rush hour traffic para sa taong 2019, ayon sa TomTom Traffic Index Report.

 

Dagdag ni Villanueva na matutulungan ng flexible working arrangements gaya ng work-from-home ang pagpanatili natin ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 dahil mababa ang physical contact sa mga opisina. Sabi niya, maiibsan ng flexible work arrangements ang dami ng taong gumagamit ng pampublikong sasakyan na maaari pa ring panggalingan ng “super spreader event” ng virus.

 

“Ang new normal po natin ay ang kombinasyon ng work-from-home at face-to-face na pagtatrabaho. Sinikap po nating ipasa ang Telecommuting Law or Work-From-Home Law bago pa man ang pandemya para magkaroon ng mekanismo at sistema na nagsusuporta sa work-from-home at hybrid na work set-up para sa mga negosyo at manggagawa,” dagdag niya.