GUIGUINTO, Bulacan — Mas pinabilis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapatayo sa Guiguinto Flyover at Camachile Underpass sa Bustos sa kahabaan ng Plaridel Arterial Road Bypass Project.
Sa ginanap na site inspection ng Regional Project Monitoring Committee (RPMC) ng Regional Development Council, iniulat ni DPWH Project Manager for Arterial Road Bypass Project Phase III-Contract Packages 1 & 2 Hermie Sablan na nasa 50.77 porsyento na ang naitatayo sa istraktura ng magiging Guiguinto Flyover.
Naikalso na ang mga concrete girders sa unang dalawang span ng naturang flyover habang tuluy-tuloy ang ginagawang pagbabaon ng mga pundasyon para sa iba pang itatayong poste.
Ayon pa kay Sablan, ito ang unang flyover na madadaanan sa Plaridel Arterial Road Bypass paglabas mula sa Balagtas Interchange ng North Luzon Expressway (NLEX).
Tiniyak din niya sa RPMC na ang magiging apat na linya na Guiguinto Flyover ay matatapos sa pagitan ng Disyembre 2023 at Enero 2024.
May halagang P227 milyon ang proyekto na bahagi ng Official Development Assistance mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).
Kapag natapos at nabuksan ang naturang flyover, paluluwagin nito ang sumisikip nang daloy ng trapiko sa panulukan ng Plaridel Arterial Bypass Road at Guiguinto-Balagtas Service Road.
Magtatayo naman ang DPWH ng isang underpass sa ilalim ng panulukan ng Camachile sa Bustos sa halagang P172 milyon.
Ipinaliwanag ni Sablan na nagdesisyon ang DPWH na isang underpass ang gawin sa halip na isang flyover. Ito’y upang magkaroon ng isang farm-to-market road na madadaanan ang mga magsasaka at kanilang mga kalakal sa ilalim ng bypass road.
Target simulan ngayong 2023 ang Camachile Underpass at matatapos sa 2024 na bahagi ng Phase III-Contract Packages 1 and 2.
Samantala, iprinisinta rin ng DPWH sa RPMC ang bagong tayo na San Rafael Flyover. Matatagpuan ito sa ibabaw ng panulukan ng bypass road, Viola Highway at karugtong nitong Kalsadang Bago Road.
Kasalukuyan nang pinaghahandaan ng ahensiya ang nakatakdang pagbubukas nito sa trapiko sa huling bahagi ng Setyembre 2023.
Ang bagong San Rafael Flyover ay bahagi ng Phase III Contract Package 4 sa ilalim ng commercial contract sa pagitan ng DPWH at ng isang Chinese firm na Sino Road & Bridge Group Company Ltd. Pinondohan din ito ng JICA sa halagang P237 milyon.
Ang mga pondong ginamit para sa proyektong flyover sa San Rafael at Guigunto at sa ginagawang Camachile Underpass ay bahagi ng P5.26 bilyon na ipinahiram ng JICA sa kabuuang contract packages ng Phase III ng Plaridel Arterial Bypass Road Project.
Bukod sa naturang mga flyovers at isang underpass, kasabay nitong ipinagawa ang bagong southbound two-lane nitong Plaridel Arterial Bypass Road mula sa barangay Tambubong at barangay Maasim na nasa bayan ng San Rafael.
Mayroon itong bagong 10 mga tulay na madaanan sa bagong southbound lane ng bypass road mula sa San Rafael hanggang sa Balagtas Interchange ng NLEX.
Inilatag at itinayo ito sa tabi ng mga dati ring mga tulay na madaanan sa northbound lane nitong bypass road na papuntang San Rafael mula sa NLEX.
Ang Plaridel Arterial Bypass Road ay kabilang sa 194 high-impact big-ticket infrastructure projects na tinukoy ng administrasyong Marcos na prayoridad na matapos at maisakatuparan sa ilalim ng Build-Better-More Program.