DPWH naglaan ng P50M para sa retrofitting ng TESDA Regional Training Center

NAGLAAN ng P50 milyon budget ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa retrofitting o pagpapatatag ng 46 taong gulang na istraktura ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Regional Training Center na matatagpuan sa Guiguinto, Bulacan.

DPWH naglaan ng P50M para sa retrofitting ng TESDA Regional Training Center
DPWH 1st Bulacan District Engineer Henry Alcantara

Ayon kay DPWH-Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, sa loob ng pondong ito, nasa P30 milyon ang mula sa pambansang badyet ng 2021 para sa retrofitting ng mga learning center buildings. Kabilang dito ang pinagdadausan ng mga training para sa Automotive, Welding at Machine Shop.

Kasama rin sa popondohan ang retrofitting ng Dress Making Building kung saan isasailalim sa vulnerability assessment upang malaman ang katatagan ng istraktura.

May karagdagang P20 milyon naman ang inilaan para sa pagpapatuloy ng proyekto mula sa pambansang badyet ng 2022. Target matapos ang proyekto bago matapos ang taong ito.

Ang TESDA Regional Training Center na ito ay isa sa 10 regional manpower training centers na ipinatayo ng pamahalaang nasyonal noong 1976 sa tulong ng World Bank.

Itinayo sa 2.5 ektaryang lupa sa Tabang, Guiguinto, Bulacan na pag-aari ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na ipinagkaloob sa noo’y National Manpower and Youth Council (NMYC) na kilala ngayon bilang TESDA. Pinasinayaan at nagsimula ang operasyon ng nasabing mga pasilidad noong 1977.

Kaugnay nito, para kay Engr. Joven Ferrer, provincial director ng TESDA-Bulacan, na nakahimpil din sa mga pasilidad na ito, napapanahon ang retrofitting ng mga istraktura sa kasagsagan na pinapaigting ng ahensiya ang pagkakaloob ng iba’t ibang training for work programs.

Maituturing aniya ito na malaki at pangmatagalang tugon upang masuportahan ang pagpaparami ng oportunidad na magkaroon ng trabaho ang karaniwang mamamayan ngayong nakakabawi na ang ekonomiya sa gitna ng pandemya. 

SOURCE: PIA-Bulacan