LUNGSOD NG MALOLOS — Magtutulungan ang Department of Science and Technology o DOST at Bulacan State University o BulSU sa pagbuo ng Bulacan Information system and Geo-data Laboratory o BIG Data Lab.
Isang Memorandum of Agreement ang linagdaan sa pagitan ng DOST Advanced Science and Technology Institute o ASTI at BulSU External Campuses.
Ayon kay DOST-ASTI Director Franz De Leon, magsisilbing hard drive ng BIG Data Lab ang Computing and Archiving Research Environment o COARE ng ahensya na isang high performance computing at cloud facility na bukas para sa mga data analyst, mananaliksik at mag-aaral.
Dinisenyo ang pasilidad na ito upang maitago, maiangatan, masuri at maibahagi ang mga datos na may kaugnayan sa kalikasan at geospatial na maaaring ma-access dahil sa pagkakaroon ng high performance computing resources.
Dito ngayon itatago at iingatan ang mga datos na maiipon ng binubuong BIG Data Lab na isang information system at geo-data laboratory na idinisenyo para sa Bulacan at kalapit na mga lalawigan.
Ito’y upang inisyal na magamit sa geo-mapping ng mga pangunahing imprastrakturang pag-aari ng estado, Red Tide Detection sa mga latian at pagtataya o forecast kung saan posibleng magkaroon ng Red Tide sa pamamagitan ng Satellite imagery.
Ipinaliwanag ni BulSU External Campuses Research and Innovation Center Director Jayson Victoriano na sa pamamagitan ng BIG Data Lab ay matutulungan ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na magkaroon ng iisang sistema sa pagtukoy ng pinsala sa mismong oras na nangyari o real-time.
Halimbawa na rito kung sakaling may tumama na malakas na bagyo, makikita na agad kung saan-saang mga imprastraktura, palayan at palaisdaan ang mga napinsala kahit hindi na personal na mapuntahan.
Sa pagtukoy sa Red Tide, kaya nitong makagawa ng isang micro controller-based sensor system, real-time mobile app at spatial distribution map and analyses habang sa pagtataya kung kailan magkakaroon ng Red Tide, magkakaroon ito ng Red Tide Prediction model sa mga latian ng Bulacan na ibabase sa Satellite Raw Data sa pamamagitan ng Machine Learning.
Kaya rin ng BIG Data Lab na magsagawa ng Ship detection na gamit ang Artificial Intelligence at Satellite Images at ang deployment ng isang Corner Reflector sa pamamagitan ng Synthetic Aperture Radar and Automatic Identification System for Innovative Terrestrial Monitoring and Maritime Surveillance ng DOST-ASTI.
Ilalagak ang BIG Data Lab sa itatayong dalawang palapag na gusali sa BulSU Sarmiento Campus na nasa lungsod ng San Jose Del Monte habang matatagpuan sa University of the Philippines-Diliman ang COARE.