LUNGSOD NG BALANGA — Namahagi ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng nasa kabuuang P500,000 halaga ng livelihood starter kit sa mga pamilya ng 21 child laborer sa Bataan.
Ito ay bilang paggunita sa World Day Against Child Labor nitong Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay DOLE Bataan Chief Labor and Employment Officer Leilani Reynoso, tumanggap ang mga benepisyaryo na mula sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani at Samal ng sari-sari store with rice retailing at e-loading business, sari-sari store vending, snacks vending, BBQ selling, porridge at lomi vending, balut at penoy vending, kakanin vending, duck feeds retailing, lawn at gardening services, at dishwashing retailing business.
Ang pagbibigay aniya ng pangkabuhayan sa mga magulang ng mga batang manggagawa ay magbibigay daan upang maalis ang mga batang ito sa sitwasyon na kung saan napipilitan silang magtrabaho para lamang makatulong sa pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Isinabay ang paggawad ng tulong sa idinaos na Job Fair ng DOLE sa SM City Bataan kaugnay ng pagdiriwang ng ika-125 Araw ng Kalayaan.
Ipinangako ni Reynoso na patuloy na makikiisa ang DOLE at mga partner nito sa pagsasagawa ng iba’t ibang mga aktibidad at programa upang maging maayos at maganda ang kinabukasan ng bawat Pilipino.
Sa pamamagitan ng tulong pangkabuhayan na ibinigay ng ahensya, inaasahang magkakaroon ng sapat na kita ang mga benepisyaryo upang masuportahan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya lalo’t higit para may maipantustos sa mga kakailanganin ng mga bata ng sa gayon ay hindi na humantong sa child labor.
SOURCE: Rick P. Quiambao PIA3