HAGONOY, Bulacan (PIA) – Patuloy na magbibigay ng iba’t ibang uri ng suporta ang Department of Health (DOH) para sa pagtataguyod ng Hagonoy CARES o Cardiovascular Assessment Recovery and Emergency Services ng Pamahalaang Pambayan ng Hagonoy.
Ayon kay DOH-Region III Regional Director Corazon Flores, pinili ng ahensiya na sa Hagonoy isagawa ang pagdiriwang ng Philippine Heart Month ng Bulacan, dahil dito naitala ang may pinakamaraming kaso ng mga may heart-related diseases sa lalawigan.
Base sa tala ng DOH, nangunguna ang Hagonoy sa may pinakamataas ang bilang ng kaso sa Bulacan na aabot sa pitong libo.
Ipinaliwanag ni Regional Director Flores na base sa pag-aaral ng ahensiya sa paraan ng pamumuhay ng mga taga-Hagonoy, sobrang masasarap ang kinakain ng mga tagarito sa araw-araw gaya ng hipon, sugpo, alimango, alimasag, talangka, taba ng talangka at iba pang yamang dagat kung saan nandito ang kunsignasyon.
Kaya’t minabuti ng Pamahalaang Bayan ng Hagonoy na itaguyod ang Hagonoy C.A.R.E.S. na ayon kay Mayor Flordeliza Manlapaz, isa itong komprehensibong programa na tumututok sa bawat isang taga-Hagonoy na ang sakit ay may kinalaman sa puso.
Literal na inisa-isa ng Municipal Health Office o MHO ang bawat tahanan sa lahat ng 26 na mga barangay ng Hagonoy hanggang sa matunton kung sinu-sino ang may sakit sa puso.
Agad silang isinasailalim sa komprehensibong check-up at buwan-buwan ay sinusuplayan ng libreng gamot bilang maintenance. Iba pa rito ang buwanang dalaw din ng doktor na libre rin. Ayon kay MHO Head Dr. Rommel Pajela, umaabot sa P600 libo ang nagugugol ng pamahalaang bayan sa Hagonoy C.A.R.E.S. Program sa bawat taon.
Bukod dito, tumutulong din aniya ang DOH sa programang ito kung saan aabot mula sa halagang P1.8 milyon o P2.4 milyon ang naipagkakaloob mula sa gamot, pagpapaospital at iba pang kailangan ng isang tao na may ganitong sakit.
Mas mataas ito ng tatlo hanggang apat na beses sa nailalaang pondo ng pamahalaang bayan para sa nasabing programa.
Kung ang isang pasyente naman ay kinakailangang madala sa Philippine Heart Center para sa check-up o operasyon, naglalaan ng mga ambulansiya o Patient Transport Vehicle ng pamahalaang bayan upang maihatid at maiuwi ito.
Sasagutin na rin ng pamahalaang bayan ang anumang pangangailangan ng isang pasyente matapos sumailalim sa operasyon.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Regional Director Flores ang mga taga Hagonoy, anuman ang kanilang edad, na mas piliin ang pagkakaroon ng isang malusog na puso sa pamamagitan ng pagbabalanse sa uri ng mga kinakain.
Tiniyak din nito ang patuloy na pagsuporta at pagtulong ng DOH sa Hagonoy C.A.R.E.S. Program. Umaasa rin siya na magkaroon ng katulad nitong programa ang mga bayan at mga lungsod sa Bulacan at sa gitnang Luzon.