LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Makakagawa ng isang kabayanihan ang bawat karaniwang mamamayan kung gaganap nang lubos sa tungkuling itinakda.
Iyan ang tinuran ni Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian sa paggunita ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Kabayanihan ni Dr. Jose P. Rizal na ginanap sa Casa Real de Malolos sa nasabing lungsod.
Kinilala aniyang bayani si Dr. Rizal dahil inialay ang panahon at sariling pera para sa kapakanan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Halimbawa na rito ang mga ginawa niya sa larangan ng pagsasaka, patubig, agham at teknolohiya at pamamahalang pangkomunidad sa kabila ng pagkakatapon sa Dapitan.
Pinakasukdulan nito ang pag-aalay niya ng buhay nang ipabitay siya ng Pamahalaang Kolonyal ng Espanya noong Disyembre 30, 1896 dahil sa kasong sedisyon. Ito ang nagbunsod upang lumakas ang rebolusyon laban sa mga Kastila at humina ang pamahalaang kolonyal.
Kaya’t para kay Mayor Gatchalian, maituturing na mga bayani ng bayan sa makabagong panahon ang mga indibidwal na nagpagal at nag-alay ng kani-kanilang mga panahon, sariling pera at buhay para lamang sa kapakanan ng iba. Kitang kita aniya ito ngayong nasa pangalawang taon na ang pandemya ng COVID-19.
Kinatigan ito ni Gobernador Daniel R. Fernando dahil para sa kanya, malaking ang papel na ginagampanan ng mga indibidwal na karaniwang Pilipino na nangunguna sa paglaban sa pandemya.
Para sa gobernador, kung hinangad ni Dr. Rizal noong ika-19 na siglo na lumaya ang Pilipinas sa mga mananakop, hangad naman ngayon ng mga makabagong bayaning frontliners na makalaya ang bansa sa pandemya.