BULAKAN, Bulacan (PIA) – Kailangang tularan ng mga kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga lingkod bayan, ang mga katangian ng karunungan at katapangan ni Marcelo H. Del Pilar, na kilala sa kanyang panulat na ‘Plaridel’.
Iyan ang binigyang diin ni Department of Interior and Local Government o DILG Secretary Benjamin ‘Benjur’ Abalos Jr., nang pangunahan niya ang pagdiriwang ng Ika-173 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Del Pilar sa kanyang pambansang dambana sa Bulakan, Bulacan.
Ipinaliwanag ng kalihim na bukod sa pagiging isang propagandista at mamamahayag, ang aspeto ng pagiging isang repormista ni Del Pilar ang dapat na mas malalim na matalakay upang maunawaan ng mga lingkod bayan.
Hinalimbawa ni Secretary Abalos ang mariing pagtuligsa ni Del Pilar sa mga Prayle dahil sa labis-labis na paniningil ng buwis sa mga kanayunan, kung saan kapag may hindi nakapagbayad ay inaabonohan ng cabeza de barangay na katumbas ng pagiging kapitan sa kasalukuyan.
Kung matutularan aniya ng mga lingkod bayan ang nasabing mga katangian, ito ang magiging paraan para mapagbikis sa pagkakaisa ang mga Pilipino na makakatulong upang lumitaw ang tunay na lakas ng Pilipinas.
Kaugnay nito, inayunan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang tinuran ni Secretary Abalos na nagsabing napapanahon ito ngayong maraming nag-aalok na maglingkod sa mga pamahalaang barangay.
Ang mga pamana aniya ni Del Pilar bilang isang repormista ay dapat gawing gabay sa pamamahala. Gayundin kung papaano ang dapat na maging kaisipan at paninindigan ng mga nasa pamahalaan na may direktang epekto sa karaniwang mamamayan.
Base sa mga aklat na nailimbag tungkol kay Del Pilar at maging sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP, ang kabayanihan ni Del Pilar bilang isang repormista ay nakasalig sa ‘Kamalayang Bayan’.
Ibig sabihin nito, hindi nawala kay Del Pilar ang diwa ng pagiging isang mamamayan na may obligasyon at hangarin para sa bayan sa kabila na siya’y nakarating na sa ibayong dagat.
Kabilang sa naging ambag ni Del Pilar bilang isang repormista, ang pagbalangkas at pag-aapruba ng Kartilya ng Katipunan. Naglalaman ito ng mga patakaran na ipinaiiral ng Katipunan.
Kasunod ng pagbubuo sa Katipunan noong panahon na nasa Espanya si Del Pilar, isinulong niya na hindi lamang Kalayaan ang nais ng mga Pilipino kundi ang pagkakaroon ng isang ganap na kasarinlan na nagbuo sa ideya ng pagsasabansa o nationhood.
Si Del Pilar din ang nanguna upang igiit sa alcalde mayor ng Bulacan noong Enero 21, 1888, na katumbas ng posisyong gobernador sa ngayon, na dapat magtamo ng edukasyon ang mga mamamayan bilang mahalagang sangkap ng pagsasakabansa.
Kalaunan ay inaprubahan din ito ng Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas sa kabila ng pagtutol ng mga prayle. Naging instrumental din si Del Pilar sa pagkakatatag ng School of Agriculture noong 1889 at ng State College of Arts and Trades noong 1890.
Natanaw din ni Del Pilar ang kahalagahan na makabuo noon ang Pilipinas ng isang Sandatahang Lakas, partikular na ang Hukbong Dagat ng Pilipinas dahil sa noo’y Chinese-Japanese War ng 1894-1895.