NAGSAGAWA ng inception workshop ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region III, kasama ang mga eksperto mula sa Biodiversity Management Bureau (BMB) at United Nations Development Programme (UNDP) na naglalayong palakasin ang benefit-sharing and conservation ng mga genetic resources ng bansa, partikular ang endemic flora na ginanap sa Hacienda Gracia Hotel and Resort sa bayan ng Lubao, Pampanga nitong Martes, Hulyo 26.
Sinabi ni Natividad Bernardino, deputy director ng BMB at chair ng Access and Benefit Sharing (ABS) National Project, na itong multi-sectoral na initiative na pinondohan ng Global Environment Facility (GEF) ay isang pagkakataon para isulong ang pagsasama ng endemic at masaganang genetic resources sa value chain kung saan dito ay tumataas ang kanilang market value.
“The ABS Project is a step forward to developing at least two bio-products from local genetic resources of Banaba in Region 3 (Lagerstroemia speciosa) and Pili tree (Canarium ovatum and Canarium luzonicum) in Region 5,” paliwanag ni Bernardino.
Ang nasabing workshop ay tinawag na “Implementing the National Framework on Access and Benefit Sharing of Genetic Resources and Associated Traditional Knowledge in the Philippines” na magsisilbing daan para magtatag ng strategic collaboration at pakikipagtulungan sa mga local government units, Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Science and Technology (DOST), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Health (DOH), Pharmalytics Corporation, Herbanext Laboratories Inc., indigenous peoples, at mga key stakeholders na pawang mga beneficiaries at advocates ng naturang proyekto sa Region 3 sa susunod na anim na taon.
Malugod na tinanggap ni Central Luzon DENR Regional Executive Director Paquito Moreno, Jr. ang inisyatibong ito bilang isang pagkakataon upang palakasin ang mga pagsisikap sa pag-iingat ng mga indigenous trees sa CL, na magiging pandagdag sa kasalukuyang programa ng reforestation ng gobyerno, gayundin sa mga pagsisikap na mapanatili ang populasyon ng mga native trees na pumipigil sa kanila mula sa potensyal na pagkalipol.
“This will improve the value chain of Banaba and soon, all species, ensuring that we are ever more conscious of our dependence on nature for our survival through the challenges of climate change and economic stress,” ayon kay Moreno.
Idinagdag niya na ang proyektong ito ay ganap na sumasalamin sa tagubilin ni Environment Secretary Ma. Antonio Yulo-Loyzaga na protektahan ang mga indigenous species bilang bahagi ng natural na pamana at magamit ang mga reaources na ito para sa kapakinabangan ng bansa.
Ayon sa kanya, ang inception seminar ay isang marangal na gawain na naglalayong protektahan ang biodiversity at likas na yaman na may isang ideya: “Unity. Combining our resources and making knowledge accessible to all empowers each and every one to play a part in protecting the environment”.
Aniya, ang proyekto ay kumakatawan sa nagkakaisang pagsisikap mula sa iba’t ibang sektor sa pagtiyak na ang pangangalaga at pagprotekta sa kapaligiran ay kaakibat ng pakikinabang mula sa nasabing mga tree species.
Mapapabuti rin ng proyektong ito ang value chain para sa Banaba at sisiguraduhin na maging mas mulat sa pagdepende sa kalikasan para sa pamumuhay mula sa mga hamon ng climate change at economic stress.
Ayon naman kay Project Manager Anthony Foronda ng ABS Project, ang inisyatibo na ito ay nagta-target na mapataas ang oportunidad sa ekonomiya at biodiversity conservation para sa mga lokal na komunidad at mga katutubo sa bansa, na magmumula sa patas at equitable sharing sa biodiversity benefits.
Ang proyekto ayon kay Foronda ay nagsimula noong Nobyembre 2021 at ang nakaplanong petsa ng pagtatapos ay sa Nobyembre 2027 na pinondohan ng GEF na may kabuuang halaga na 26 milyong US Dollar.
Sinabi ni Foronda na mayroon lamang tatlong lalawigan sa CL na natukoy na potensyal na mapagkukunan ng mga naturang tree species tulad ng Banaba at ito ay ang mga lalawigan ng Pampanga, Bataan, at Zambales.
Nabatid na mayroon din matatagpuang puno ng Banaba sa mga lalawigan ng Bulacan at Aurora subalit hindi ito nakapasa sa criteria ng ABS Project.