LUNGSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan – Umabot sa 1,964 na mga Bulakenyong may food stalls at Sari-sari Stores ang nabiyayaan ng karagdagang mga paninda at gamit mula sa Department of Trade and Industry o DTI ngayong taong 2022.
Nagkakahalaga ng P10 libo ang bawat isang package na ipinagkaloob sa bawat benepisyaryo sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG. Pinondohan ito ng nasa P20 milyon na inilaan ng DTI para sa Bulacan.
Ayon kay Edna Dizon, provincial director ng DTI-Bulacan, isa itong livelihood assistance program ng ahensiya na binuo upang agapayang makabangon ang mga may maliliit na restaurants, carinderia at tindahan sa mga kanayunan na naapektuhan ng pandemya.
Sa loob ng bilang na ito, pinakabagong benepisyaryo ang may 187 na mga Bulakenyo. Pormal nilang tinanggap ang kani-kanilang livelihood packages sa ginanap na awarding ceremony sa Lokal ng Anjene ng Members Church of God International o MCGI sa lungsod ng Meycauayan.
Nakatuwang ng DTI ang MCGI sa pagtukoy ng ilan sa mga benepisyaryo. Pinagkalooban din sila ng libreng almusal at pananghalian habang may iba naman na benepisyaryo na inihatid na maiuwi ang mga natanggap na paninda at gamit.
Bukod sa PPG, ayon pa kay Dizon, nakapagrehistro ang DTI-Bulacan ng 579 na mga Barangay Micro Business Enterprises o BMBE noong 2021 at 540 ngayon taong 2022. Habang may karagdagang 70 mga Bulakenyo pa ang nabigyan ng panimulang puhunan sa ilalim naman ng Negosyo Serbisyo sa Barangay Program.
Patunay aniya ito na tuluy-tuloy ang economic recovery na nararamdaman hanggang sa mga kanayunan, dahil sa pagdami ng mga BMBE at muling pagbangon ng mga dati nang negosyong maliliit gaya ng karinderia at sari-sari stores.