NASA mahigit 369 na magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Bulacan ang direktang nakatanggap ng tulong pangkabuhayan na tinatayang nasa P35.9 milyon ang halaga ng mga makinarya at pasilidad ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Bulacan Provincial Government nitong Martes, July 12.
Ang isinagawang Distribution of Agriculture and Fisheries Interventions ay pinangasiwaan ng DA-Regional Field Office, BFAR- Regional Office III at Provincial Agriculture Office (PAO) kung saan halos P36 milyon ang pinondo rito ng pamahalaang nasyunal.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, ang mga magsasaka at mangingisdang mabibiyayaan ay buhat sa mga coastal area sa bayan ng Hagonoy, Malolos City, Obando, Bulakan, at sa bayan ng Norzagaray, Marilao, Norzagaray, Bocaue at Meycauayan City.
Dagdag ng gobernador, kabilang sa mga tatanggap ay mga kasapi sa Farmer’s Cooperative Association (FCA), Bulacan Fishermen na rehistrado sa Fishery Registry System (Fish-R) at mga Dumagat Fisherfolks.
“Malaking tulong ang mga farm equipment, trainings at mga pangkabuhayang ito para sa magsasaka at mangingisda upang makadagdag sa kanilang kaalaman nang sa gayun ay mapalakas at mapadali ang kanilang mga produksyon at mapababa ang labor cost nito para sa inaasam nating food security, ” ayon kay Fernando.
Ayon kay DA Region 3 director Ed Lapuz, layunin ng programang DA mechanization program sa ilalim ng Rice Program ay mai-angat ang antas ng pagsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng ibat-ibang uri ng makinarya at pasilidad na pangunahing magagamit ng mga magsasaka.
Katuwang si Vice Gov. Alex Castro, sinabi nito na prayoridad din ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang pagbalangkas ng iba pang mga makabuluhang mga batas na direktang makikinabang ang sektor ng agrikultura.
Kabilang sa mga natanggap ng mga magsasakang (FCAs) ang 3 unit ng 4-wheel tractor, 3 unit ng Combine Harvester, 14 pump engine set, 4 warehouses and dryer at 2 solar-powered fertigation system.
Ang mga vegetables growers ay tumanggap naman ng 100 pcs ng knapsack sprayers at 180 kilos ng assorted vegetables seeds.
Ang mga registered fisherfolks ay nakatanggap naman ng 170 rolls ng Gillnet with Accessories, 120 rolls ng Multi-filament PE net, 5 marine engine, smokehouse, 3 smokehouse package, 5 tri-bike.
40 units ng Portable Solar Lamp at 40 spear gun para sa mga Dumagat fisherfolks.
Tumanggap din si Fernando ng certificate of recognition kung saan kinilala ang provincial government bilang mahusay sa implementasyon ng high value crops.