DA, nagkaloob ng ayuda sa 675 magsasaka sa San Marcelino

May 675 na magsasaka sa bayan ng San Marcelino ang nakatanggap ng Rice Farmers Financial Assistance sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund ng Department of Agriculture. (LGU San Marcelino)

IBA, Zambales — Nagkaloob ang Department of Agriculture o DA ng pinansyal na tulong sa mga magsasaka sa bayan ng San Marcelino sa Zambales.

May 675 na magsasaka sa unang batch ang nakatanggap ng Rice Farmers Financial Assistance sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund.

Ayon kay Municipal Agriculturist Remin Sardo, bawat isa ay tumanggap ng limang libong piso.

Ang mga naturang benepisyaryo ay rehistrado sa Registry System for Basic Sector in Agriculture at nagmamay-ari ng dalawang ektarya ng sakahan.

Katuwang ng DA at pamahalaang bayan ng San Marcelino sa programang ito ang USSC Remittance Center.

Samantala, tiniyak naman ni Mayor Elvis Soria na hindi titigil ang mga programang pang-agrikultura ng pamahalaang lokal may pandemya man o wala. 

Source: Reia G. Pabelonia PIA-3