
NAGSAGAWA ng anti-corruption walk at prayer rally ang nasa halos 2,000 residente mula sa iba’t-ibang grupo ng Katolikong Kristiyano sa bayan ng Balagtas, Bulacan upang ipahayag ang kanilang pagtindig kontra korapsyon kaugnay ng isyu sa ghost flood control projects sa bansa noong Sabado, Oktubre 4.
Ang kilos protesta ay inorganisa ng San Lorenzo Diakono at Martir Balagtas Parish Church sa pangunguna ni Parish Priest – Msgr. Angel Santiago pakikipagtulungan ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) Bulacan East Chapter kasama ang iba pang samahan ng Katolikong Kristiyano na kinabibilangan ng mga delegado mula sa Parish Pastoral Council – Executive Board, Lay Ministers, Altar servers, Lectors, Commentators, Music Ministry, Apostoles Apostolado ng Panalangin, Legion of Mary, Catholic Women’s League, Mamamasan ng Poong Jesus Nazareno, Ina ng Laging Saklolo, Knights of Columbus, Adorador/Honorarias, Mahal na Birhen ng Lourdes, Ugnayan at Tipanan, San Jose na Manggagawa, Inmaculada Conception, El Shaddai Children of Light, Mother Butler, World Apostolate of Fatima, Mahal na Birhen ng Medalya Milagrosa, Commission on Youth, Sub Parish Pastoral Council of San Juan – Highway.

Nagsimula ang aktibidad sa isang Banal na Misa dakong alas-7:30 ng umaga sa Parokya ng Balagtas bago isinagawa ang anti-corruption walk and prayer rally na sinimulan mula sa Patio ng simbahan pabas ng Barangay Wawa sa Manila North Road patungo sa Municipal hall ng Balagtas.
Ayon kay BCBP- Bulacan East Chapter Head Ariel Roque, ang kanilang prayer rally ay upang ipaabot ang kanilang saloobin ng pagkondena sa maanomalyang ghost flood control projects na kinasasangkutan ng mga government officials, DPWH at private contractors.
Ang BCBP advocacy ay patuloy sa pagpapaalala na ang bawat indibiduwal ay maging “Tapat Dapat” o Be Honest.
Mababatid na ang bayan ng Balagtas ang siyang may pinakamalaking pondong inilaan sa flood control projects sa buong lalawigan ng Bulacan na umaabot sa P3.59-billion.
Kabilang dito ang Barangay Panginay at Wawa na may P1,372,100,374.41; Brangay San Juan na may P781,714,453.44; Barangay Longos – P130,947,451.75; Barangay Puling Gubat- P290,996,636.63; Barangay Santol – P464,441,590.59; Barangay Dalig – P319,568,707.61.
Layunin ng kilos protesta na mapanagot at maipakulong ang lahat ng sangkot sa nasabing flood control project’s anomalies.
Mayroon din kilos protesta na kasabay na ginanap sa bayan ng Bulakan at Calumpit na nagpapahayag rin ng pagkondena sa maanomalyang proyektong imprastraktura ng ahensiya ng DPWH.