MABALACAT CITY, PAMPANGA — Nagkaloob ang Department Of Science and Technology (DOST) – Central Luzon ng isang Mobile Command and Control Vehicle (MOCCOV) sa Provincial Government ng Bulacan sa ginanap na turn-over ceremony sa Clark Airbase, Mabalacat City, Pampanga nitong Disyembre 2, 2022.
Kabilang sa mga aktibidad ay ang DOST-3 Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program sa ilalim ng temang “Ready… CEST… Go!: Alerto at Handang Komunidad, Matatag Laban sa Sakuna” kung saan itinampok ang mga proyekto ng Disaster Risk Reduction Management ((DRRM).
Sa pangunguna ni DOST Regional Director Dr. Julius Caesar Sicat ay pormal na ipinagkaloob ang nabanggit na MOCCOV na personal na tinanggap ni Vice Governor Alexis Castro sa ginanap na turn-over ceremony kasabay ng pagdiriwang ng 2022 National and Technology Week (NSTW) sa Central Luzon na may temang ” Agham at Teknolohiya: Kabalikat sa Maunlad at Matatag na Kinabukasan”.
Ang MOCCOV ay magagamit at makakatulong sa tuwing mayroong nakaambang panganib na dulot ng mga sakuna at kalamidad.
Ang NSTW ay naglalayong akitin ang sambayanang Pilipino at ang iba’t ibang sektor ng lipunan hinggil sa talino, inobasyon, at kawili-wiling pag-unlad ng agham at teknolohiya sa pamamagitan ng inilunsad na mga exhibits, technology demonstration, at pagtatanghal ng mga programa ng DOST.
Itinampok din dito ang mga nakaraang interbensyon ng S&T at mga kilalang produkto kasama ang mga kwento ng tagumpay ng ilan sa mga benepisyaryo ng CEST.
Kasamang tinaggap ni VG Castro ang pinuno ng Provincial Disaster Risk Reducation and Managment Office na si Felicisima Mungcal at mga Bulacan rescuers sa ngalan ni Governor Daniel Fernando at ng buong Pamahalaang Panlalawigan.
Sa kanyang talumpati ay ipinaabot ni VG Alex ang pasasalamat sa mga bumubuo ng programa dahil malaking tulong umano ang ipinagkaloob na MOCCOV upang mapag-ibayo ang kapasidad ng Bulacan PDRRMO.
“Sa pamamagitan po ng Mobile Command and Control Vehicle at sa makabagong teknolohiya na hatid nito sa komunikasyon at surveillance, mapapabilis ang response ng aming Rescue Team sa anumang sakuna o kalamidad sa hinaharap at nawa ay maiwasan ang trahedya at pagbubuwis ng buhay,” ayon kay Castro.
Ayon kay Castro ang nasabing pagkilala at pagpapahalaga ng DOST sa Bulacan ay alay sa mga fallen rescue heroes na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurrecion at Narciso Calayag Jr. na nasawi sa isang rescue operation sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan ng bagyong Karding noong nakaraang Setyembre.
Nagtapos ang palatuntunan sa pamamagitan ng mensahe ni Senador Joel Villanueva na siyang pangunahing tagapagsalita at panauhing pandangal ng okasyon.
Binisita rin nila ang exhibit na nagtataglay ng mga mga makabagoong imbensyon na itinampok ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya.