Sa layuning mapalakas ang lokal na kahandaan sa kalamidad at post–pandemic recovery capacities ng mga komunidad, pormal na tinanggap ng Lalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang Mobile Command and Control Vehicle (MOCCOV) mula sa Department of Science and Technology (DOST) sa ginanap na Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito noong Lunes, Disyembre 5, 2022.
Ang MOCCOV ay isang mobile na pasilidad na pwedeng gamitin sa pagpaplano, koordinasyon at kontrol ng mga materyal at manpower resources sa panahon ng emergency.
Taglay nito ang iba’t ibang kapabilidad para sa biglaang sitwasyon upang maisakatuparan ang contingency at mga plano sa pagresponde at mayroon din itong sariling weather station system, drone, satellite phone, at iba pang communication and surveillance equipment.
Sa panahon ng rescue operations, kabilang din sa teknolohiyang ito ang triage na may kagamitan sa pagliligtas at medikal na mga aparato.
Sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, pinasalamatan ni Fernando ang DOST para sa suporta sa probinsya partikular na sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
“Lubos po ang aming pasasalamat sa malaking tulong na ito sa rescue response ng probinsiya. Sa teknolohiyang ito, mabilis na maisese-set up kahit saang lugar kapag may tatamang kalamidad ang nasabing MOCCOV na mobile at command center/post at triaging trailer tent”, ani Fernando.
Ayon kay DOST Bulacan Regional Director Angelita Parungao, ang nasabing P16.8 milyon na MOCCOV ay nilikha ng Pilipinong imbentor na si Dennis Abella kung saan ang unang naging benepisyaryo sa Gitnang Luzon ay ang Bulacan.
Ang MOCCOV ay magkatuwang na proyekto ng DOST 3, Office of Civil Defense 3 at ng tanggapan ni Senador Joel Villanueva. Ito rin ang pinakabagong Science and Technology intervention sa disaster risk reduction and climate change adaptation na pinondohan ng DOST Community Empowerment through Science and Technology o DOST CEST.