BILANG bahagi ng Ika-89 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Department of Labor and Employment (DOLE), magsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office ng job fair para sa lokal at overseas employment na tinawag na “Trabaho, Negosyo, Kabuhayan” sa Disyembre 7, 2022, 9:00 N.U. sa The Pavillion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito.
Ayon kay Abgd. Kenneth Ocampo-Lantin, pinuno ng PYSPESO, may 25 na mga kumpanya ang makikilahok sa job fair upang maghatid ng mga oportunidad sa mga Bulakenyong naghahanap ng trabaho.
Kabilang sa mga employer na naghahanap ng mga bagong empleyado ay ang IQ Packaging and Logistics Inc., Staff Search Asia Service Cooperative, Bioessence, SM Hypermarket, Yaman ng Lahi Labor Service Cooperative, Fusion Integrated Service Cooperative, Kaakbay sa Kinabukasan, Jolly Management Solutions Inc., Primefirst Workers Providers Inc., Pandayan Bookshop, Savemore Market, The SM Store, D’Jobsite General Services Inc., Villarica, Alpha Alleanza Manufacturing Inc., Toyota, Placer 8 Logistic Express Incorporation, Mirof Resources Inc., Walter Mart, DATEM Inc., RM Foods Inc., Wheeltek at Paramount.
Samantala, sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na kabilang sa kanyang mga layunin ang pataasin ang employment rate sa lalawigan kaya naman makakaasa ang mga Bulakenyo sa regular na pagsasagawa ng mga job fair.
“Sa panahon ngayon na tumataas na ang mga gastusin sa pang araw-araw na pamumuhay, nararapat lang na makapag-generate pa tayo ng mas maraming trabaho para sa mga tao. Sinisikap rin ng ating Pamahalaang Panlalawigan na magsagawa ng marami pang mga job fair sa hinaharap upang mapataas ang moral at pati na rin ang employment rate sa ating lalawigan,” ani Fernando.