Bulacan pasok bilang 10th Most Competitive Province

LUNGSOD NG MALOLOS– Isa na namang parangal ang nadagdag sa Lalawigan ng Bulacan sa ilalim ng pamumuno ni Gob. Daniel R. Fernando sa pagkakamit ng lalawigan sa ika-10 pwesto bilang Most Competitive Province na iginawad ng Department of Trade and Industry (DTI) at Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) noong Enero 31, 2022.

 

Ang nasabing pagkilala ang pangatlong sunod na taon para sa lalawigan na nakuha ang ikawalong pwesto noong 2020 at ikasiyam na pwesto noong 2019.

 

Malaking pagsulong ito sa Bulacan na nasa ika-49 pwesto noong 2018, ika-48 noong 2017, ika-24 noong 2016, at ika-44 noong 2015. Pinatutunayan din nito ang epektibong istratehiya sa ekonomiya ng Bulacan sa ilalim ng administrasyon ni Fernando.

 

Higit pa sa pagkilala, naniniwala ang gobernador na maaaring masukat ang tagumpay ng pagiging palaban ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng kasiyahan na natatanggap ng mga Bulakenyo sa mga programa, plano at proyekto para sa mga tao.

 

“Ipinapakita po sa nakamit nating ito na tagumpay ang ating lalawigan sa pangangalaga sa ating ekonomiya kabilang na diyan ang mga maliliit na negosyo at pagbibigay ng oportunidad na makapagtrabaho. Pinilay man ng pandemya ang ating ekonomiya, hudyat ang pagkilalang ito ng unti-unting pagbangon ng ating lalawigan,” ani Fernando.

 

Bukod dito, lumapag ang Bayan ng Baliwag sa ikalawang pwesto, ang Bayan ng Santa Maria sa ika-12 pwesto, at ang Bayan ng Marilao sa ika-16 na pwesto bilang Most Competitive LGU para sa 1st at 2nd Class Municipalities.

 

Ang Cities and Municipalities Competitiveness Index ay ang taunang listahan ng mga lungsod at bayan na binuo ng National Competitiveness Council at Department of Trade and Industry sa pamamagitan ng Regional Competitiveness Committees (RCCs) sa tulong ng United States Agency for International Development.

 

Sinusukat ang ranggo ng bawat lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang husay sa Economic Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure, Resiliency, at Innovation.