LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang isa sa People’s Agenda 10 ni Gobernador Daniel R. Fernando, naging episyente at epektibo ang pagpapatupad ng universal health care o kalusugan para sa lahat kung kaya naman kinilala ang mga natatanging lokal na pamahalaan at ilang indibidwal sa larangan ng nutrisyon kasabay ng panapos na gawain para sa ika-48 na selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon na isinagawa sa pamamagitan ng Zoom teleconferencing kamakailan.
Ang mga nagwagi sa municipal level ay nakapagpatupad ng pinakamahusay na programa para sa kanilang mga nasasakupan dahilan ng kanilang pagkakapanalo sa kategoryang ‘Natatanging Bayan sa Nutrisyon’ kung saan kabilang ang bayan ng Guiguinto na nagwagi ng unang pwesto at nag-uwi ng P100,000; Marilao sa ikalawang pwesto na may premyong P75,000 at bayan ng Baliwag sa ikatlong pwesto na may premyong P50,000. Lahat sila ay tumanggap ng plake ng pagkilala.
Ipinamalas din ng mga komunidad o barangay sa lalawigan ang kanilang mahuhusay na programa sa nutrisyon kung saan ang mga nanalo para sa ‘Natatanging Barangay sa Nutrisyon’ na binubuo ng Brgy. San Jose, Paombong – unang pwesto at nag-uwi ng premyong P30,000; Brgy. Lias, Marilao – ikalawang pwesto na may premyong P20,000 at Brgy. San Agustin, San Rafael – ikatlong puwesto na may premyong P10,000 at plake ng pagkilala bawat isa. Tumanggap rin ang 19 na barangay ng consolation prize na nagkakahalaga ng P3,000 bawat isa.
Bukod dito, binigyan din ng parangal ang mga indibidwal na nagpakita ng mga natatanging serbisyo sa kanilang mga komunidad na may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga programa sa nutrisyon kabilang na sina Josefina J. Joaquin mula sa Guiguinto, Bulacan na nanalo ng parangal na ‘Natatanging Municipal Nutrition Action Officer’ at Imelda Lopez mula sa Brgy. San Jose, Paombong na kinilala bilang ‘Natatanging Lingkod Lingap sa Nutrisyon’. Kapwa sila ay tumanggap ng premyong P5,000 habang 21 pang LLN ang tumanggap ng consolation prizes na nagkakahalagang P2,000 bawat isa.
Dagdag pa rito, tumanggap din sina Miguela Avendaño mula sa Brgy. Masuso, Pandi at Ofelia De Belen mula sa Brgy. Bagong Barrio, San Ildefonso ng premyonh P3,000 bawat isa bilang ‘Long Serving Lingkod Lingap sa Nayon’.
Tatlong kawani rin mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na sina Reynela Mae Abayon mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Mary Jane Sarboda mula sa Bulacan Environment and Natural Resources Office at Maria Cronica De Jesus mula sa Provincial Public Affairs Office ang tumanggap ng pagkilala bilang ‘Long Serving Technical Working Group’ na may perang papremyo na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa.
Samantala, binigyang-diin ni Fernando, tagapangulo ng Provincial Nutrition Council, ang kahalagahan ng nutrisyon at hinikayat ang lahat na lumahok at tumulong sa pagsusulong ng mga programa sa nutrisyon na ipinatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office.
“Ang nutrisyon ay isa sa pangunahing prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan; hindi ito dapat ipagsawalang bahala subalit sakop nito hindi lamang ang ating pisikal kundi maging ang ating mental na kalusugan na maituturing nating yaman ng ating pagkatao. Sa pagtutulungan nating lahat, kasama na pati ang ibang mga sektor, nanawagan ako na isulong natin ang adbokasiya ng mabuting nutrisyon hindi lamang tuwing Buwan ng Nutrisyon,” anang gobernador.