LUNGSOD NG MALOLOS – Isang mas maliwanag na panahon ng Kapaskuhan ang naghihintay sa mga Bulakenyo dahil sa nakatakdang pag-iilaw ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa Christmas Tree na puno ng LIght Emitting Diodes (LED) ngayong araw, Nobyembre 24, alas-6:00 ng gabi sa harap ng gusali ng Kapitolyo dito.
Tinaguriang “Pag-iilaw ng Krismas Tree at Parada ng Bulacan Christmas Carroza”, pangungunahan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis Castro ang pag-iilaw ng libu-libong puti, asul at berdeng LED na ilaw na nakabalot sa buong higanteng Christmas Tree.
Bago isagawa ang pag-iilaw, gaganapin ang parada ng Bulacan Christmas Carozzas mula sa Malolos Sports Convention Center hanggang sa Bakuran ng Kapitolyo.
Gayundin, haharanahin ng Hiyas ng Bulacan Brass Band ng mga Christmas classic na awitin ang mga Bulakenyong dadalo.
“Damang dama na po natin ang simoy ng Kapaskuhan. At dito sa Kapitolyo, opisyal nang sisimulan ang Paskong Bulacan sa pamamagitan ng pag-iilaw ng ating Christmas Tree bukas na hudyat na papalapit na ang ating muling paggunita sa pagsilang ng ating Dakilang Tagapagligtas. Sana po ay makiisa kayo at inyong saksihan ang taunang gawain nating ito,” anang gobernador.