Bulacan, DILG, pinasinayaan ang SGLG-funded slope protection sa CSJDM

Pinangunahan ni Gob. Daniel R. Fernando kasama si DILG Regional Director Araceli A. San Jose, CESO III, ang paghahawi ng marker ng bagong Slope Protection Project sa Brgy. Assumption, Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan kahapon. Kasama upang saksihan ang seremonya sina (mula kaliwa) Bienvenido E. Punzal, Kapitan ng Brgy. Assumption; DILG Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia; Mikhaela Antonette M. Valerio, kinatawan ni Bise Gob. Alexis C. Castro; Bokal Enrique A. Delos Santos, Jr.; at Fr. Oscar Christian C. Duran na pinangunahan ang pagbabasbas sa bagong imprastraktura. 

LUNGSOD NG MALOLOS – Opisyal na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang bagong Slope Protection Project sa Barangay Assumption, Lungsod ng San Jose Del Monte noong Lunes, Hunyo 15, 2026.

Pinondohan ang proyekto sa pamamagitan ng DILG Seal of Good Local Governance (SGLG) Incentive Fund, na iginawad sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kasunod ng matagumpay nitong pagkamit ng prestihiyosong SGLG noong 2024.

Ayon kay DILG Regional Director Araceli A. San Jose, CESO III, inaasahang magbibigay-proteksyon ang katatapos lang na istruktura sa mga kalapit na residente at ari-arian laban sa panganib nang pagguho ng lupa at slope instability, habang nakatutulong din ito sa mas malawak na mga inisyatibo ng lalawigan para umangkop sa pagbabago ng klima at pagbabawas ng panganib sa kalamidad.

May kabuuang halaga ng kontrata na P2,985,343.90, isinagawa ang proyekto ng J.G. Mendoza Builders. Kabilang dito ang pagtatayo ng isang 76-linear-meter slope protection structure na idinisenyo upang mabawasan ang pagguho ng lupa, patatagin ang madaling maapektuhan ng pagguho, at protektahan ang mga kalapit na komunidad at imprastraktura laban sa posibleng pagguho ng lupa.

Ayon kay Bienvenido E. Punzal, Kapitan ng Brgy. Assumption, ang bagong istruktura ay nagbibigay-daan sa mabilis, maayos, at direkta na pagdaloy ng tubig patungo sa sapa, na makatutulong upang maiwasan ang panganib ng pagbaha sa mga karatig na lugar.

“May mga parte po kasi dito sa amin na may mga gumuguho na sa mga tabing bahay. Dahil sa slope protection na ito, iyon ay naiwasan dahil natambakan at lumaki pa ‘yung space, pwede pang gawing taniman ng mga residente,” dagdag ni Punzal.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gob. Daniel R. Fernando na ang mga pagkilala at parangal ay nagiging tunay na makabuluhan lamang kapag ito ay naisasalin sa mga konkretong programa at nagpapatunay na may positibong epekto ito sa buhay at kapakanan ng mga Bulakenyo.

“Nawa’y magsilbi itong paalala na ang bawat tagumpay ng ating lalawigan ay higit pa sa pagkilala at mga parangal, ito ay nagiging mga proyekto at serbisyong tunay na nararamdaman ng bawat Bulakenyo,” ani Fernando.

Nagsimula ang konstruksyon ng proyekto noong Agosto 1, 2025 at matagumpay na natapos noong Oktubre 10, 2025—mas maaga kaysa sa orihinal nitong target na petsa ng pagkumpleto na Oktubre 15, 2025.