BINABAAN NA ANG PRESYO NG GASOLINA AT SINGIL SA KORYENTE

Sa wakas nagkaroon na din ng kasagutan ang hiyaw ng taumbayan, na gumawa ang pamahalaan ng hakbang na pababain ang halaga ng presyo ng gasolina. Batay sa ulat na hatid sa atin, habang isinusulat ito ay ipatutupad pa lang ang big-time price rollback ng mga kumpanya ng langis. 

Tiyak na paglabas ng ating kolum ay  tuluyang bumaba na ang presyo ng gasolina. Ayon sa ulat, ilang gasolinahan, ang magbaba ng halaga ng gasolina, tulad ng
Cleanfuel, Petro Gazz, Pilipinas Shell at Seaoil ng P5.70 kada litro at diesel ng P6.10 kada litro. Ang presyo ng kerosene ay bababa ng P6.30 kada litro.
 

Gayundin batay sa impormasyon ay magbabawas din ang Manila Electric Co. (Meralco) sa singil nito sa Hulyo ng 70.67 centavos, bilang pagsunod sa utos ng Energy Regulatory Commission na i-refund ang mga power consumer ng P21.8 bilyon. Ayon sa isang Opisyal ng Meralco, ang pagbabawas ng rate ay magpapababa sa mga singil sa kuryente ng mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours (kWh) ng P141.

 Tsk! Tsk! Tsk! Ito ay isang magandang balita, at kung sakaling magkaroon pa ng pagbabago sa galaw ng presyo ng gasolina at koryente, ay iyung halaga o presyo na kayang pasanin ng taumbayan. Hindi iyung paiiralin ang pagsasamantala at bibigtihin ang mamamayan sa presyong hindi na abot ng kanilang lukbutan.Pansamantala ang ating masasabi ay salamat naman.

TULONG -BIGAS NI GOV. FERNANDO AT GAWAIN SA LSJDM

Isang magandang balita na nagsusumigaw sa Social Media, ito ay ang pamamahagi ng bigas nina Bulacan Governor Daniel Fernando at VG Alex Castro, sa mga pamilya sa bayan ng Obando na umaabot sa 10,471. Ang nabiyayaan ay ang naapektohan ng pagbaha, dahil sa pagkasira ng dike, sa Brgy Panghulo, Paco, Tawiran, Hulo, Lawa at Catanghalan.

Tsk! Tsk! Tsk! Walang tigil din si Gov. Fernando sa pagtulong. Nais din natin na batiin ang magiting na Gobernador at ang mga masisipag na mga Alagad ng batas, at ang Prov’l Police Director sa kasalukuyan, sa mabilis na pagkakalutas sa pagkamatay ni Princess Dianne Dayor, kamakailan. Mabuhay po kayo!

***

Batid po ba ninyo na itong Punong Lungsod Arthur Robes,  ng San Jose Del Monte (LSJDM,) ay miniting ang iba’t ibang Samahan at Kompanya, sa nasabing Siyudad, upang makatulong sa pagbibigay ng maayos at murang pabahay para sa mamamayang San Josenios? Ayon sa ulat na ating natunghayan, sinabi ni Robes na,” Naging makabuluhan ang pag uusap namin ni Gng. Ann Tobias, isang developer tungkol sa kanyang plano na magtayo ng ‘housing project’ sa ating lungsod. Sinisiguro na ang bawat mamumuhunan sa ating lungsod ay magiging patas sa

pag- iimplementa ng kanilang mga proyekto. Nakasama din natin sa pagpupulong na ito si Melencio Garcia ng Housing and Homesite Regulation Office.”

Tsk! Tsk! Tsk! Heto pa isa na patuloy na nagpapagawa ng mga kapaki-pakinabang na gusali sa mga barangay. Ang mga pagawaing bayan ni Congresswoman Rida Robes, kasalukuyang nagpapagawa ng bagong Health Center ng Barangay Gumaok West. Wika nga ni Congw Rida. “Pangarap ko na lahat ng barangay sa ating lungsod ay malagyan natin ng mga bagong gusali na magsisilbing Health Center bilang isa ito sa magbibigay ng indikasyon na ang ating lungsod ay patuloy sa pag unlad.”

Masarap namnamin ang sumunod niyang mensahe: ”Nagpapasalamat ako sa ating mga kaibigan mula sa Nasyonal na Pamahalaan na patuloy na tumutulong sa atin upang maisagawa natin ang mga ganitong proyekto. Sa mamamayan ng Barangay Gumaok West, eto po ay para sa inyo,” mula kay Ate Rida. Mabuhay po kayong lahat San Josenios!