LUNGSOD NG MALOLOS– “Bilang tagapagmana, katungkulan nating lahat na siguraduhin na tayo ay sumusunod sa Saligang Batas. Gamitin natin ang bawat sandali ng ating kalayaan sa paggawa ng tama at makabubuti sa ating kapwa.”
Ito ang mensahe ni Kinatawan ng Unang Distrito ng Bulacan Danilo A. Domingo sa kanyang talumpati sa komemorasyon ng Ika-124 Anibersaryo ng Republikang Pilipino ng 1899 na ginanap sa bakuran ng Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito noong Lunes.
Binanggit niya na ang pagkakatatag ng Unang Republikang Pilipino ang nagtambad sa buong mundo sa kakayahan ng mga Pilipino na magkaroon ng malaya at republikang pamahalaan na guguhit at mamamahala ng sarili nitong kapalaran bilang isang bansa.
“Ang unang republika ay malaya, independiente. Ang Malolos Constitution ay hindi utak o dikta ng sinumang bansa o sektor na may sariling interes,” ani Domingo.
Ipinahayag rin ng Assistant Majority Leader ng Committee on Rules ng Ika-19 na Kongreso ng Pilipinas ang kanyang pagnanais para sa Lungsod ng Malolos na magkaroon ng sarili nitong distritong lehislatibo; at ang kanyang suporta sa Pederalismong uri ng pamahalaan.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na bilang mga halal na opisyal ng pamahalaan, tungkulin nila na maglingkod ng buong sipag at katapatan kapalit ng tiwala na ipinagkaloob ng kanilang mga nasasakupan.
“Sa wikang Latin, Res Publica, ang kahulugan ay pamumuno ng tao. Tayong mga halal ay mamumuno sa bayan sa bisa ng kapangyarihang hiram lamang mula sa ating mga mamamayan. Republika ang tawag sa pamahalaan ng tao na ang tinig ay narinig sa pamamagitan ng sagradong pagboto,” anang gobernador.
Bago ito, pinangunahan nina Domingo at Fernando ang daan-daang Bulakenyo na dumalo sa gawain sa pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hen. Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng Pilipinas.