LUNGSOD NG BALANGA — Namahagi ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ng mga payao sa apat na asosasyon ng mga mangingisda sa Bataan.
Tumanggap ng tatlong set ng payao ang mga asosasyon ng mga mangingisda sa Bagac habang tig-isang set ng payao naman ang natanggap ng dalawang asosasyon ng mangingisda sa Morong.
Ayon kay Bataan Provincial Fisheries Officer Harlyn Recabar-Purzuelo, ang mga naipamahagi ay magagamit upang mapadali ang pang-akit ng mas malalaki at mas maraming huli sa kalagitnaan ng dagat.
Ang programang ito aniya ay base sa hangarin ng BFAR na suportahan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa lalawigan sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kagamitan para sa mas mabisang panghuhuli ng isda.
Samantala, nakatanggap naman ang 90 mangingisda mula sa bayan ng Bagac ng iba pang kagamitan sa panghuhuli ng isda.
Kabilang na riyan ang handlines, iba’t ibang klaseng net, solar lamps at mga milkfish fry collection paraphernalia.
SOURCE: Camille Anne S. Bartolome (PIA3)