Barangay Taboc ang Hari at Reyna ng GulayAngat 2023

Si Bb. Deserie Joy Gonzales Mendoza, 22,  ang siyang itinanghal na Reyna ng Gunita ng Lahi at Yamang Angat (GulayAngat) 2023 at tumanggap ng halagang P30,000 mula kay Mayor Jowar Bautista kasama ang kaniyang may-bahay na si Mayora Leslie Bautista sa ginanap na Hari at Reyna ng GulayAngat coronation night noong Oktubre 18, 2023 sa Angat Gymnasium. Kuha ni: ERICK SILVERIO


Nasungkit ng Barangay Taboc ang titulong “Hari at Reyna ng GulayAngat 2023” pageant sa ginanap na Coronation Night sa Municipal Gymnasium noong Oktubre 18, 2023 kasabay ng pagdiriwang ng long week celebration ng GulayAngat Festival.
 
Si Mark Luis Francisco ang itinanghal na “Hari ng GulayAngat” habang si Deserie Joy Mendoza naman ang Reyna ng GulayAngat na kapwa mula sa Barangay Taboc na silang nagningning sa mata ng mga hurado.
 
Nagpamalas ng kani-kanilang talento at talino ang bawat kalahok mula sa iba’t ibang barangay ng Angat sa nasabing beauty pageant na talaga naman dinumog at sinuportahan ang kani-kanilang mga pambato.
 
Kabilang sa mga nagwagi ay Hari ng GulayAngat 1st Runner-up Darren Joshua Villarama ng Barangay Binagbag; Reyna ng GulayAngat 1st Runner up Marion Juliah Garrote ng Barangay Sta. Cruz; Hari ng GulayAngat 2023 2nd Runner-up Roberto Maximo II ng Barangay Niugan; Reyna ng Gulay Angat 2023 2nd Runner up Mary Jane Dela Cruz ng Barangay Marungko.
 
Ang GulayAngat Festival ay itinatag at nasa ikalawang taon nang ipinagdiriwang ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Joward Bautista mula nang maluklok bilang alkalde.
 
Naroon din kasama ni Mayor Jowar ang kaniyang may-bahay na si Mayora Leslie Bautista na mula’t sapul na todo suporta sa mga programa ng alkalde.
 
Pinasalamatan ni Mayor Jowar ang lahat ng mga lumahok at sumuporta sa nasabing patimpalak partikular na sa mga organizer at judges.
 
Ang Hari at Reyna GulayAngat ay isa lamang sa maraming tampok na aktibidad sa pagdiriwang ng GulayAngat Festival 2023 na sinimulan noong Oktubre 16 at magtatapos sa Oktubre 24 na siyang araw ng pagkakatatag ng bayan ng Angat.