MAHIGIT sa 1,500 na mga barangay justice at tanod ang nakatanggap ng P2,500 na honorarium bawat isa mula sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos mula sa inisyatibo ni Mayor Christian Natividad.
Ayon kay Mayor Natividad, sinimulan na ng pamahalaang lungsod ang distribusyon ng nasabing halaga sa lahat ng barangay justice at tanod sa 51 barangay sa Malolos mula sa inisyatibo ng alkalde.
Nabatid na bawat barangay ay aabot mula 20-25 ang mga tanod habang 10-12 naman ang mga brgy justices.
Sinabi ni Natividad na sa taong ito 2023 ay sinimulan ang paglalaan ng halagang P500 kada beneficiary at mula buwan ng Enero hanggang Mayo ay buo nilang natanggap ang P2,500 each.
Pahayag pa ng alkalde na bawat taon ay tataas ang ipagkakaloob na honorarium buhat sa 500 ay magiging 1,000 sa 2024, 1,500 sa 2025 hanggang sa makapantay na nito ang halagang natatanggap ng iba pang mga volunteers.
Kabilang sa mga dapat makapareho ng mga justiceat tanod ay ang mga mother leaders, barangay population workers, Lingkod Lingap sa Nayon (LLN), Barangay Health Workers (BHW) at Day Care Workers.
“Lahat ng mga barangay workers ay mayroon nang natatanggap mula sa barangay pero itong mga justiceat tanod ay wala pa samantalang sila ay nagtatrabaho rin, kaya po nag-propose tayo na sila ay magkaroon din na mula sa Pamahalaang Lungsod,” wika ni Natividad.