LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nananatiling nasa hanay ng mga nangunguna sa epektibong reporma ang mga Pamahalaang Bayan ng Baliwag at Santa Maria at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Edna Dizon, provincial director ng Department of Trade and Industry (DTI)- Bulacan, patunay ito na hindi natitinag ang nasabing mga bayan at ang Bulacan sa kabuuan sa mga hamon na dala ng pandemya ng COVID-19. Pinapatunayan din aniya ang katatagan at determiniasyon ng mga Bulakenyo na makabangon muli.
Sa ginanap na 10th Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) Awards ng National Competitiveness Council (NCC), Top 2 ang Baliwag bilang Overall Most Competitive sa kategoryang First to Second Class Municipalities.
Kalakip nito ang pagiging Top 4 ang Baliwag sa aspeto ng Resiliency dahil sa modernisasyon ng Rescue FVE at pagkakaroon ng Climate Change Center ng pamahalaang bayan.
Sa imprastraktura, Top 6 ang Baliwag kung saan pangunahing nakapag-ambag dito ang pagkukumpleto ng konstruksiyon ng Baliwag section ng Pulilan-Baliwag Diversion Road at paglalagay ng mga Solar Light Panels sa kahabaan ng nasabing bagong daan.
Inilalatag na rin ang distribution lines ng Baliwag Water District para sa Stage 3 ng proyektong Bulacan Bulk Water Supply, kung saan padadaluyin dito ang tubig mula sa Angat Dam upang magamit bilang potable water.
Iba pa rito ang nasa P136 milyong flood control projects ng Department of Public Wroks and Highways (DPWH) sa Baliwag gaya ng slope protection project sa gilid ng Angat River na bahagi ng bayan, drainage improvement sa Poblacion, Virgen Delas Flores at sa Sulivan.
Ang mga proyektong farm-to-market at barangay roads ng DPWH sa Baliwag ay umaabot sa halagang P75 milyon na nailatag sa mga barangay ng Subic, Virgen Delas Flores, Sabang, Hinukay, Calantipay, Matangtubig, Pinagbarilan, Bangong Nayon, Riel, Tumana, Santa Barbara, Sto. Cristo at sa Concepcion.
Nasa Top 9 naman ang Pamahalaang Bayan ng Santa Maria sa larangan ng imprastraktura. Pinakabago rito ang distribution lines na ibinabaon ng Santa Maria Water District para sa Bulacan Bulk Water Supply Project Stage 3.
Sa Innovation na pinakabagong kategorya sa CMCI, Top 7 ang Baliwag kung saan kinilala rito ang Information and Communication Technologies (ICT) Plan ng pamahalaang bayan.
Kabilang dito ang presence at active na website at social media sites ng Baliwag Business, Investment and Economic Enterprise, Baliwag Agri, Baliwag Traffic Management Office at ang Baliwag Rescue FVE.
Pinakasikat sa ICT innovation ng Baliwag ang Digital Vaccination Card kaugnay ng COVID-19 Vaccination and Booster Program. Iba pa rito ang E-mga Online Payment Facilities at ang Business Processing and Licensing System software.
Ito ang ginagamit ng pamahalaang bayan upang makapaglabas ng renewal o bagong business permit na wala pang isang araw. Kaya’t nakaapekto rin ito upang matamo ng Baliwag ang Top 8 sa Economic Dynamism na matagumpay na nakapaghikayat ng mga bagong pamumuhunan.
Halimbawa na rito ang pagtatayo ng Joy Residences condominium project ng SM Development Corporation (SMDC) na inaprubahan kamakailan ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD). Iba pa rito ang pagbubukas ng Waltermart-Baliwag at iba’t ibang franchising firms.
Ang bayan ng Santa Maria ay Top 5 naman sa Economic Dynamism dahil nakapagtala ito ng 4% lamang ng populasyon ang mahirap na isa sa pinakamababa sa Pilipinas.
Base sa 2021 Report ng Commission on Audit (COA), umaabot na sa P1.87 bilyon ang total assets ng Pamahalaang Bayan ng Santa Maria na pinakamataas sa anumang bayan sa Bulacan. Kalakip nito ang naitalang P925 milyon na nakolektang buwis noong 2021 na pinakamataas sa kasaysayan ng Santa Maria sa kabila ng pandemya.
Hindi naman naalis sa Top 10 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang Most Competitive Province sa bansa. Base sa tala ng Board of Investments (BOI) na nakapailalim sa DTI, hindi pa natatapos ang taong 2022 pero nakapagtala na ang Bulacan ng P852.59 milyon na halaga ng mga bagong pamumuhunan.
Samantala, sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang pagpasok ng mga bagong pamumuhunan sa Bulacan ay direktang nakakapagbigay ng pakinabang sa karaniwang mga Bulakenyo. Patunay aniya rito ang pagkakaroon ng P7.4 bilyon na Provincial Budget para sa taong 2022 na sa ngayo’y pinakamalaki sa kasaysayan ng lalawigan.
SOURCE: PIA-Bulacan