LUNGSOD NG MALOLOS- Magsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health ng accelerated vaccination program sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan sa layunin na masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at kawani na magbabalik-eskwela para sa limitadong harapang klase.
Sa liham ni Gob. Daniel R. Fernando kay Department of Education (DepEd)-Bulacan Schools Division Superintendent Dr. Zenia G. Mostoles, binigyang-diin niya ang mahigpit na pagpapatupad ng Executive Order No. 5, series of 2022 na nagsasaad na lahat ng establisyimento at aktibidad, kabilang ang harapang klase, ay pahihintulutan na matuloy kung walang pagtutol ang lokal na pamahalaan.
Hiniling ni Fernando sa lahat ng paaralan sa lalawigan na nasa ilalim ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kabilang ang mga review centers, na magsumite ng sertipikasyon ng estado ng pagbabakuna bago magbukas ang klase.
“Parati ko pong binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagbabakuna lalo na sa ating mga kabataan. Nais lamang po nating masiguro na ligtas silang makakapunta sa kani-kanilang paaralan at ligtas ring makauuwi sa kanilang mga tahanan,” anang gobernador.
Samantala, sa kanyang video message na naka-post sa DepEd Tayo Bulacan Facebook page, sinabi ni Dr. Mostoles na 44 na pampublikong paaralan ang nagsimula na ng limitadong harapang klase noong Lunes, Pebrero 21, 2022.
May kabuuang bilang na 5,006 Bulakenyong mag-aaral mula sa isang elementarya at 43 sekondaryang paaralan sa buong lalawigan ang lumahok sa limitadong harapang klase. Nag-iisang elementarya naman ang Doña Damiana Macam Memorial Elementary sa Calumpit na nagbukas ng pintuan para sa mga estudyante.
Samantala, kabilang sa listahan ng mga paaralang sekondarya na nagsagawa ng klase ang Taliptip National High School sa Bulakan; San Roque High School sa Paombong; San Pedro National High School, Ramona Trillana High School, at Sta. Monica National High School sa Hagonoy; Guiguinto National Vocational School at Felizardo C. Lipana National High School sa Guiguinto; San Miguel-Meysulao High School, Frances High School, at Calumpit National High School sa Calumpit; Engr. Virgilio Dionisio Memorial High School, Sta. Peregrina High School, at Bajet Castillo High School sa Pulilan; Balagtas Agricultural National High School sa Balagtas; Bulihan High School sa Plaridel; Cambaog National High School, Aguinaldo Santos High School, Alexis Santos National High School sa Bustos; Baliuag Senior High School Stand Alone, Virgen Delas Flores High School, Teodoro Evangelista Memorial High School, Sto. Niño High School, Sulivan National High School, at Mariano Ponce National High School sa Baliuag; Bunsuran National High School, Virginia Ramirez High School, at Masagana High School sa Pandi; Iluminada Mendoza High School at Taal High School sa Bocaue; Maronquillo National High School, San Rafael National Trade School, at Carlos Gonzales High School sa San Rafael; John J. Russel Memorial High School at Partida National High School sa San Miguel; San Ildefonso National High School sa San Ildefonso; North Hills Village High School sa Norzagaray; Angel M. Del Rosario High School at Pres. Diosdado P.Macapagal Memorial High School sa Angat; Laura De Leon Halili High School, Sapang Bulac High School, Talbak High School, at Esteban Paulino High School sa Doña Remedios Trinidad; at Prenza National High School sa Marilao.
“Patuloy ang iba’t ibang paghahanda sa lahat ng mga paaralan sa kasalukuyan habang patuloy nating pinapaunlad ang iba pang teaching and learning modalities sa tinatawag nating blended o high-breed na pagtuturo at pagkatuto. Tuloy pa rin po ang ating distance education sa pamamagitan ng mga modules, online at offline teaching and learning, synchronous at asynchronous classes,” aniya.