Aqueduct 7 ng Angat Water Transmission Project ng MWSS, target matapos sa 2025

Nagsagawa ng komprehensibong inspeksiyon ang  Regional Project Monitoring Committee o RPMC sa pangunguna ng National Economic Development Authority o NEDA sa ibinabaon na pagbabaon ng Bigte-Novaliches Aqueduct 7 na bahagi ng Angat Water Transmission Improvement Project mula sa bayan ng Norzagaray, mga lungsod ng San Jose Del Monte, hilagang Caloocan at lungsod Quezon. Ito ang mga pasilidad na tumutulong upang masuplayan ng tubig mula sa Ipo Dam ang Bulacan Bulk Water System Project at mga water concessionaires sa west at east zones ng Metro Manila, Rizal at Cavite. (Shane F. Velasco)

Pinamamadali ng Regional Project Monitoring Committee o RPMC sa pangunguna ng National Economic Development Authority o NEDA, ang pagbabaon ng Bigte-Novaliches Aqueduct 7 na bahagi ng Angat Water Transmission Improvement Project.

 

Ayon kay Fernando Cabalsa Jr., chief economic development specialist ng NEDA-Region III, ito’y upang matamo ang bagong target na matapos at maging operational ang proyektong ito ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS sa taong 2025.

 

Napalawig ng mahigit isang taon ang implementasyon ng proyekto mula sa orihinal na sa taong 2024 dahil nasa 38.68% pa lamang ang progress rate.

 

May habang 15 kilometro na mga higanteng tubo ang ibabaon mula sa Settling Basin Facility ng MWSS sa Bigte, Norzagaray patungo sa La Mesa Dam sa lungsod Quezon. May halagang P7.42 bilyon ang proyekto na pinondohan ng Asian Development Bank o ADB.

 

Base sa water trail na iprinisinta ni Engr. Joseph Burdeos, isa sa project engineer ng MWSS para sa proyektong ito, ang magiging pito nang aqueducts ay nakakabit sa apat na mga tunnels sa kabuuan ng Angat Water Transmission Improvement Project.

 

Hinihigop ang nasabing malalaking tunnels ang tubig mula sa Ipo Dam na nasa bayang ito. Habang ang mahihigop na tubig mula sa mga tunnels ay padadaluyin ng mga aqueducts sa Settling Basin Facility sa barangay Bigte sa Norzagaray.

 

Sa nasabing pasilidad hinahati ang distribusyon ng suplay ng tubig. Una rito ang para sa Luzon Clean Water Development Corporation ng San Miguel Corporation, na may konsesyonaryo sa Bulacan Bulk Water Supply Project mula noong taong 2015 sa ilalim ng Public-Private Partnership o PPP.

 

Gayundin para sa Maynilad Water Services Inc. na may bagong 25 taong prangkisa sa bisa ng Republic Act 11600, para sa suplay ng tubig ng west zone ng Metro Manila at Cavite. Dito rin nagmumula ang suplay ng tubig para sa east zone ng Metro Manila at Rizal na ang distributor ay ang Manila Water Company Inc. sa bisa ng Republic Act 11601.

 

Ang Ipo Dam ay nagsisilbing transmission dam o daluyan ng tubig mula sa Angat Dam na nasa Norzagaray din.

 

Sa Angat Dam naman iniimbak ang mga tubig mula sa buhos ng ulan at sa katas ng ugat ng mga puno sa kanlurang bahagi ng bulubundukin ng Sierra Madre.

 

Habang may isang tunnel na nagkakabit sa Angat Dam at sa Umiray River na nasa kabila o silangang bahagi ng Sierra Madre sa General Nakar, Quezon. Ito ang Angat-Umiray Transbasin Project na nabuksan noong taong 2000.

 

Ipinaliwanag pa ni Engr. Burdeos na ang pagbabaon ng karagdagang Aqueduct 7 ay may dalawang layunin. Una ang pagkakaroon ng karagdagang suplay ng tubig mula sa Ipo Dam. Pangalawa ay upang magkaroon ng kapalit ang isasara nang Aqueducts 1 at 2 na ipinagawa pa ng Pamahalaang Kolonya ng Amerika noong 1930s.

 

Kung hindi aniya gagawin ang Aqueduct 7, hindi maisasara ang dalawang lumang aqueducts na may marami nang tagas. Maiiwasan na maputol ang suplay ng tubig sa Bulacan, Metro Manila, Rizal at Cavite dahil malalagyan ng bagong dadaluyan ng tubig bago isara ang mga luma.

 

Samantala, inilatag ng Shanxi Hydraulic Engineering Construction Bureau Co. Ltd., China Water Resource Beifang Investigation Design and Research Co. Ltd. At Shanxi Hydroelectric Investigation & Design Institute Corporation Ltd. Joint Consortium na siyang kontratista ng Bigte-Novaliches Aqueduct 7 Project ang catch-up plan upang mapabilis ang pagkukumpleto ng proyekto.

 

Ayon kay Engr. Ray Vale Ebarle, project manager nitong joint consortium, kabilang sa lalamanin ng catch-up plan ang pagdadagdag ng mga tauhan mula sa kasalukuyang 300 sa pagiging 600 na mga manggagawa.

 

Gagawin na ring dalawa ang mga Rolling Machine mula sa ngayong iisa lamang. Ito’y upang maparami ang mga pipes na nagagawa sa kada isang araw mula sa iisang pipe lang ang nagagawa sa ngayon. Target sa Disyembre 2023 na makagawa ng dalawang pipes kada isang araw; tatlo sa Pebrero, apat sa Abril at pito sa Hulyo sa 2024. Hindi magdadagdag ng gastos ang pamahalaan ng Pilipinas tungkol dito.