Tulad ng ating naisulat, na matapos ang nakaraang Halalan 2022, ay magkakaroon ng digmaan ng kaisipan sa pagitan ng talunang ayaw paawat at ng namayani. Naisulat din na karamihan sa talunan at pikon at ayaw tumanggap ng pagkatalo.
Kung matatandaan na ang mga plataporma ng mga kandidato nitong nakaraang eleksyon para sa mahihirap at sa kalagayan ng bansa, ay magaganda. Halos sa diwa sila ay nagkakaisa, subalit waring pagod na ang nakararaming Pilipino, sa mga salita na nauwi lamang sa ingay at ugong na lumabas at namumutawi sa bibig ng isang kumakampanyang kandidato.
Ngayon na may bagong pangulo na ang bansa sa pagkatao ni Ferdinand ‘Bong-Bong’ R. Marcos, Jr., ang mga nabigo ay kailangan ng magbago sa kanilang tayo o pagkakatindig, at itong mga magagandang naisin para sa mamamayang Pilipino ay kailangan ding pagtipunin at isagawa.
Ang ingay na dumadagundong sa pagtatatumpati ng isang nagnanais na manalo sa nasabing halalan, na pabor sa bansa, ay dapat lamang na isama sa mga proyekto na isasagawa ng mauupong mga lider.
Tsk! Tsk! Tsk! Naisip ng Katropa na bakit hindi hikayatin ng nanalong Pangulo ng bansa Bong-Bong Marcos, na himuking makiisa ang mga natalong ‘presidentiables’ na sina Manny Pacquiao, ‘Isko’ Moreno Domagoso, Panfilo Lacson at Leni Robredo, na alukin at bigyan ng posisyon sa Gobyerno, kung nais talaga nila Marcos at Sara Duterte na maging makabuluhan ang salitang ‘UNITEAM,’ para na rin sa iaangat na kabuhayan ng madlang Pilipino, at sa kaunlaran na rin ng bansa?
Kung ang mga nabanggit na personahe ay AAYON sa mithiin ng Administrasyon, para sa pagkakaisa ay pagbigyan at ituloy. SUBALIT kung sila ay magiging tinik at tumataliwas sa adhikain, ay dapat na agarang tanggalin. Ito ay suhestiyon na pinagtani-tagni ng kaisipan na posibleng maging sagot sa mga suliraning kinakaharap ng sambayanan at ng ating bansa. Ang sekreto ng pagkakaisa ay nasa panghihikayat, iyan ay ang sama-sama at pagkakaisa ng lahat.
PAGTITIWALA AT SUPORTA NG TAUMBAYAN, PINASALAMATAN NI ROBES
Silipin natin ang kaganapan sa isang malaking lugar sa Lalawigan ng Bulacan. Ang Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) kung saan lubos ang kaligayahang nadarama nina Mayor Arthur Robes at Congw Rida Robes, na sila ay lubhang mahal ng mga pamilyang San Josenios. Ating nakalap ang ilang naiulat ng mensahe ni Mayor Robes para sa kanyang nasasakupan, narito po:
“Nag-uumapaw sa kagalakan at pasasalamat ang aming mga puso dahil sa inyong solidong pagmamahal, tiwala at suporta sa buong lapian ng ARangkada San Joseño, sa nakalipas na Apatnapu’t limang (45) araw ng kampanya. Dito natin napatunayan na tayo ay nagkakaisa upang ituloy ang ating nasimulang mga programa, proyekto at serbisyo. Tungo sa progreso at pag-asenso ng ating lungsod. Maraming-maraming salamat po sa inyong muling pagtitiwala at suporta. Makakaasa po kayo na sa aming ikatlong termino ay aming pong pag-iibayuhin pa ang paglilingkod sa bawat Pamilyang San Joseño! PASASALAMAT mula sa TEAM ARANGKADA!
Tsk! Tsk! Tsk! “But thanks be to God! He gives us the victory through our Lord Jesus Christ.” – 1 Corinthians 15:57. Mabuhay po ang Team ARangkada!