Ama, 3 pa arestado sa panggagahasa at pagpatay sa Bulacan

Crime scene background

Camp Alejo Santos, City of Malolos — Sa loob ng 48 oras, naaresto ng mga awtoridad ang apat na suspek na umano’y responsable sa panggagahasa at pagpatay sa isang 16-taong-gulang na dalagita na naiulat na nawawala at natagpuang patay noong Abril 18, kung saan isa sa mga suspek ay ang sariling ama ng biktima.

Naaresto ng pulisya ang mga suspek sa loob ng 48 oras na operasyon matapos matagpuan ang bangkay na nagsisimula nang maagnas..

Ayon sa Bustos Police, noong Abril 18, 2026  ay nakatanggap sila ng report mula sa isang concern citizen kaugnay ng isang bangkay na natagpuan sa isang madamong bakanteng lote malapit sa Ilog Angat sa Brgy. San Pedro, Bustos, Bulacan.

Agad nagtungo ang kapulisan sa lugar ng krimen at nagsagawa ng imbestigasyon ang mga opisyal at kinumpirma na ang biktima ay isang 16-taong-gulang na babae na naiulat na nawawala simula pa noong Abril 11, 2026.

Natagpuan ang kanyang bangkay sa isang madamong lugar, bahagyang nakatago at nagsisimula nang naagnas.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, isa sa mga nahuli ay ang sariling ama ng biktima, na nauna nang nag-ulat ng pagkawala ng biktima.

Pinaigting ng mga awtoridad ang kanilang imbestigasyon sa pamamagitan ng mga panayam at pangangalap ng impormasyon upang matukoy ang mga pangyayari at ang umano’y pagkakasangkot ng ama at iba pang mga suspek.

Ang pagkakasangkot ng ama sa brutal na pagpatay ay inamin ng isa sa mga suspek na unang naaresto ng pulisya ayon kay Bustos Police OIC chief CPT Heherson Zambale.

Base sa imbestigasyon, matapos halayin ang biktima, hinampas ito sa ulo gamit ang matigas na bagay at nagtamo ng dalawang saksak sa katawan.

Ayon kay Police Colonel Jay Baybayan, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), sa loob ng 48 oras mula nang matuklasan ang bangkay, nagsagawa ang mga operatiba ng pulisya ng serye ng hot pursuit operations batay sa mga saksi, na humantong sa pagkaaresto ng isang suspek, na sinundan ng tatlo pang indibidwal na direktang sangkot sa krimen.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang lahat ng suspek habang inihahanda ng mga awtoridad ang mga kasong rape with homicide sa Tanggapan ng Provincial Prosecutor sa Lungsod ng Malolos.

Pinuri ni Baybayan ang mga operating unit para sa kanilang mabilis at koordinadong pagtugon, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng agarang aksyon at masusing imbestigasyon sa paglutas ng mga seryosong kaso.

Binigyan-diin at muling pinaaalala ni PRO3 Regional Director PBGEN Jess B Mendez ang patuloy na pangako ng organisasyon sa paghatid ng hustisya at kaligtasan ng publiko.

“Ito ay isang malinaw na pagpapakita ng aming patuloy na pangako na maghatid ng serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman. Tinitiyak namin sa publiko na ang hustisya ay walang humpay na isusulong, at ang mga responsable ay papanagutin,” sabi ni Mendez.