LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Aabot sa 13 matataas na kalidad ng mga produktong agrikultural na gawa ng mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP sa Bulacan ang bibida sa 5th CARP Trade Fair sa Marquee Mall sa lungsod ng Angeles, Pampanga.
Muling idadaos nang face-to-face ang nasabing trade fair mula nang tumama ang pandemya noong 2020.
Ayon kay Edna Dizon, provincial director ng Department of Trade and Industry o DTI- Bulacan, hindi lamang ito basta isang karaniwang trade fair para sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Kundi isang pagtatanghal kung paano naging ganap na agro-entrepreneur ang mga karaniwang magsasaka at mangingisda mula nang pagkalooban ng titulo ng lupang sakahan at palaisdaan sa ilalim ng CARP o ng Republic Act 6657 ng 1988.
Taong 1998 nang isama sa CARP ang mga palaisdaan kung saan nabigyan din ng titulo ang mga mangingisda
Pinalawig naman ng Republic Act 9700 ang reporma sa lupa bilang Comprehensive Agrarian Reform Program extension with reform o CARPer ng 2009.
Kabilang sa mga lalahok ang Catholic Servants of Christ Community School o CASECOM ng Baliwag na magtitinda ng Cocojam. Mula rin sa nasabing bayan, itatampok ang iba’t ibang produkto na gawa mula sa karne ng Rabbit na gawa ng Rabbit Raisers and Meat Producers Cooperative.
Ang taga-San Miguel na Inang Enyang Eleven Fourteen Sweet Candies ay mag-aalok ng iba’t ibang uri ng minatamis gaya ng Pastillas at mga produktong mula sa gatas ng Kalabaw. Iba pa rito ang Minasa na gawa ng Catacte Multipurpose Cooperative ng Bustos.
Organic Rice naman ang dala ng multi-awarded na Joyful Organic Farm ng San Ildefonso. Habang ang mga taga-Donya Remedios Trinidad o DRT ay ibibida ang ipinagmamalaki nilang Kape mula sa Talbak at Kakaw mula sa Saret Organic Farmville.
Ang Sta. Maria Dairy Multipurpose Cooperative ay muling ilalahok ang ipinagmamalaki nilang mga dairy products gaya ng Yogurt, Fresh Milk at Kesong Puti.
Para naman sa mga taga-dalampasigan ng Bulacan, nakapaketeng Fishball ang ilalako ng San Jose Fish Products ng Paombong, mga processed fish na gawa ng Lito Rey Boneless Tinapa ng Hagonoy at ang Kropek na gawa ng San Francisco Multipurpose Cooperative ng Bulakan.
Bukod sa pagkain, ang mga nalikhang Soil Conditioner naman ang ititinda ng taga-Plaridel na Plaridel Rice and Vegetable Growers Multipurpose Cooperative.
Kaugnay nito, makakasama ng mga Bulakenyong benepisyaryo ng CARP ang iba pang mga taga-gitnang Luzon na nabiyayaan ng titulo sa ilalim ng programa gaya ng pitong taga-Aurora, 13 na taga-Bataan, 13 na taga-Nueva Ecija, 30 na taga-Pampanga, 14 na taga-Tarlac at 13 na taga-Zambales.
Bukas ang 5th CARP Trade Fair mula Nobyembre 17 hanggang 20, 2022 na may target na P3.24 milyon na sales.