MAYROONG P51 bilyon sa 2022 national budget na nakalaan sa COVID-19 duty pay para sa pampubliko at pribadong healthcare workers o HCWs at para sa kanilang compensation kapag sila ay nagkasakit o namatay mula sa virus.
Ayon kay Senator Joel Villanueva, chair ng Senate labor committee, P9 bilyon mula sa pondong ito ay maaari nang ipamahagi ng pamahalaan dahil ito ay bahagi ng regular appropriations.
“Itong pondong ito ang sure ball na,” aniya.
Ang natitirang P42 bilyon ay nasa ilalim ng Unprogrammed Appropriations, na sa ilalim ng batas ay maaari lamang magamit kung merong kaukulang pam-pondo mula sa sobrang koleksyon o utang.
Pero para magamit ang P9 bilyon para ipamahagi sa mga medical frontliners na lumalaban sa Omicron surge, kailangang maglabas muna ng panuntunan ang DOH at DBM sa paggamit ng pondo.
“Kaya po sa ating mga kaibigan sa DOH and DBM, nakikiusap po tayo na apurahin ang implementing guidelines nito para sa ating mga medical frontliners,” ani Villanueva.
Sa P9 bilyon, ang P7.92 bilyon ay nakalaan sa pagbabayad ng COVID benefits ng pampubliko at pribadong HCWs at non-health workers sa mga ospital sa ilalim ng Special Provision kung saan ito nakapaloob.
Kasama dito ang mga nagtatrabaho sa mga health facilities na kasama sa COVID-19 response tulad ng military hospitals, GOCC medical facilities, state university hospitals at private licensed health facilities.
Ang natitira, o P1.08 bilyon, ay nakalaan para sa compensation sa mga COVID-19-positive na HCWs na nakuha ang virus habang on duty.
Sa ilalim ng GAA 2022, ang mga maysakit na HCWs ay makakatanggap ng P15,000 kung mild o moderate lamang ang kaso nila, P100,000 kung severe, at P1 milyon pag namatay.
Sabi pa ni Villanueva, ang P9 bilyon ay pauna lamang sa mga benepisyo para sa mga HCWs at nagtitiwala siya na kayang ipamahagi ang P42 bilyon sa Unprogrammed Appropriations base sa pag-utang ng pamahalaan.
“Kayang pondohan po ito, kasi P2.47 trillion ang balak utangin ng gobyerno ngayong 2022,” anang senador.
“Katumbas lamang ito ng P6.76 bilyon na inutang sa isang araw. Yung P42 billion, wala pa pong isang linggong utang,” dagdag pa niya.