P105.7M, naipahiram sa 595 MSMEs sa Bulacan para makabangon

P105.7M, naipahiram sa 595 MSMEs sa Bulacan para makabangon
Sinasalamin ng binuksang OTOP Pre-Christmas Fair ang unti-unting pagbangon ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa tulong ng mga pautang na ipinagkaloob ng Small Business (SB) Corporation ng Department of Trade and Industry (DTI). (Kuha ni Shane F. Velasco)

Sa tulong ng P105.7 milyong pautang ay naasuportahan ang pagbangon ng may 595 na mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bulacan.

Sa ginanap na Micro, Small and Medium Enterprises Development Council (MSMEDC) Meeting kamakailan, iniulat ni Ruth Ann Roxas, provincial coordinator ng Small Business Corporation (SB Corp.) ng Department of Trade and Industry (DTI), na nagmula ang pondo sa mga stimulus packages na nakapaloob sa Bayanihan to Heal As One Act o Republic Act 11469 at sa Bayanihan to Recover As One Act o Republic Act 11494.

Nagsilbing conduit ang SB Corp upang tumanggap ng mga aplikasyon, magproseso at mag-apruba ng mga MSMEs na nagnanais makahiram ng puhunan upang makapagpatuloy o muling makapagbukas. Magiging kontribusyon din ito sa upang lalong maibangon ang ekonomiya.

Ipinaliwanag naman ni Edna Dizon, provincial director ng DTI-Bulacan, kasabay ng mga pautang ang pag-agapay sa mga MSMEs na unti-unting mapalakas muli ang produksiyon at tuluyang makabalik sa merkado. Sinasalamin ito ng sunud-sunod na mga trade fairs na isinagawa at gaganapin pa.

P105.7M, naipahiram sa 595 MSMEs sa Bulacan para makabangonHalimbawa na rito ang 16 na mga MSMEs na may mga produkto na sertipikadong One Town, One Product (OTOP) Next Generation na lumahok sa ginanap na OTOP Pre-Christmas Fair sa Waltermart-Malolos na tatagal hanggang Nobyembre 21, 2021.

Iba pa rito ang ginanap na Likha ng Central Luzon noong Setyembre at D’Fair Bayanihan of Bulacan MSME, Cooperative Expo and Exhibit nitong Oktubre

Kaugnay nito, naghahanda rin ng isa pang trade fair para sa mga MSMEs ang Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) sa kasagsagan ng paparating na Holiday Season. Ayon kay Obet Saguinsin, pinuno ng PCEDO, nakatakda itong ganapin sa Robinson’s Place Malolos mula Disyembre 23 hanggang 30, 2021.

(SOURCE: PIA3-BULACAN)