NABABAHALA si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa “long overdue” na computer-based licensure examinations (CBLE) project ng Professional Regulation Commission (PRC), gayong ang dalawang dekada na ang nakalipas mula nang isabatas ang PRC Modernization Act of 2000 (Republic Act No. 8981).
Ito ang naging reaksyon ng senador matapos sabihin ni PRC Commissioner Dr. Jose Cueto Jr. sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2023 budget ng ahensya, na walang pondong nakalaan para sa magsagawa ng mga CBLE sa mga PRC regional offices para sa susunod na taon.
“Dalawang dekada na ang dumaan matapos ipasa ang Republic Act No. 8981 at dalawang taon ng pandemya na ang lumipas, kaya very long overdue na ang kapasidad ang PRC para magsagawa ng malawakan at efficient na mga CBLE,” sabi ni Villanueva.
Sinabi ng senador na solusyon ang mga CBLE para makabawi ang PRC sa mga kanselasyon ng licensure exams dulot ng kalamidad o health emergencies gaya ng pandemya. Ayon sa PRC, 11 sa 85 na licensure exams lamang ang naisagawa ng ahensya noong 2020. Umabot naman ng 62 sa 101 licensure exams naman ang kanilang naisagawa sa 2021.
Sinabi rin ng senador na apat na beses nang nakansela ang Licensure Examinations for Teachers (LET) sa pagitan ng 2020 at 2021.
Ayon kay Villanueva, nauunsyami ang kabuhayan ng mga examinees dahil sa mga kanselasyong ito, at napipilitan pang maghintay ng hanggang anim na buwan para sa susunod na exam schedule na kung saan kukuha pa sila ng slot kasabay ng bagong batch ng mga examinee at ang mga repeat examinee.
Sinabi ni Villanueva na “obvious solution” ang CBLE upang mas marami ang makakuha ng board exams lalo na iyong mga isinasagawa sa limitadong bilang ng testing sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Huwag na tayong maghintay ng dalawampung taon pa. We needed a fully functional CBLE years ago. We are eager to hear from the PRC its modernization plans for transitioning to a digitalized system of conducting licensure exams.” he added.
Inaatasan ng Republic Act No. 8981 ang PRC na magpatupad ng “full computerization of all licensure examinations by the various professional regulatory boards”.
Ayon sa datos ng PRC, isang CBLE lamang ang naisagawa nito noong 2021, at hanggang pito (7) lamang ang maisasagawa nito ngayong 2022. Sinabi rin ni Cueto sa pagdinig sa Senado na wala pa ring kapasidad ng ahensya na magsagawa ng mga CBLE sa karamihan ng mga PRC regional offices.
“Our government services are subject to the same demands of the Fourth Industrial Revolution as our professionals and workforce are. Malayo pa ang kailangang takbuhin ng PRC para makahabol,” sabi niya.