
Ayon kay Edna Dizon, provincial director ng DTI-Bulacan Provincial Office, ang nasabing mga MSMEs ay pawang nakapasok na sa One Town, One Product (OTOP) Next Generation program ng ahensiya.
Ibig sabihin, pumasa sa masinsing pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA) ang 13 na mga produktong pagkain na kalahok dito. Gayundin ang kalidad ng packaging at branding na dinisenyo at inaprubahan ng DTI.
Kabilang dito ang mga processed food, condiments, sweets and delicacies, coffee, fruit juices, healthy drinks, cacao-based products, mushroom products at milk products.
Pangunahin na rito ang Aling Ilah’s Sweet and Delicacies na gumagawa ng mga Pastillas, Macapuno at Chicharon mula sa bayan ng San Miguel.
Nasa 18 naman ang kalahok na mga MSMEs na non-food product ang ititinda gaya ng furniture, woodcraft, home furnishings, lanterns, Capiz lamps, Christmas decorations, Bamboo based products, garments, outdoor gear, wearables, gifts, bags, wallets, novelty items, organic products, cosmetic products, shoes, sandals, jewelry, gems, crystals, leather goods at sabutan products.
Binigyang diin ni Dizon na pangunahing pamantayan sa paglahok sa Likha ng Central Luzon ay ang kakayahan ng isang MSMEs na masuplayan ang demand o order ng mga potensiyal na large scale buyers gaya ng mga department stores, supermarkets at maging ng mga style at membership shopping.