UMANI ng papuri at hinahangaan ang isinasagawang Karaniwang Pulong ng Sangguniang Bayan (SB) ng Bocaue, Bulacan dahil sa maayos at angkop na angkop na pamamaraan ng mga deliberasyon dito sa pangunguna ni Vice Mayor Atty. Sherwin N. Tugna.
Kumpara sa ibang mga Sangguniang Bayan sa Bulacan, nabibilang ang bayan ng Bocaue na nagsasagawa ng tamang protokol, na-aayon at angkop na katangian ng pagpapatupad ng Karaniwang Pulong partikular na sa larangan ng deliberasyon nito.
Ang mga tamang termino na ginagamit ni VM Tugna bilang presiding officer kasama ang mga konsehales ay hinangaan at hindi nalalayo sa mga isinasagawang pagpupulong sa Kongreso o Mababang Kapulungan kaya naman tunay na nakaka-engganyong manood at makinig.
Ayon kay Tugna, nais niyang maging pormal, mataas ang moral, nirerespeto ang bawat kasapi ng SB at maipagmamalaki kumpara sa ibang mga bayan.
“Nais kong anyayahan ang ating mga kababayan na maaari silang makinig sa aming Karaniwang Pulong, siguradong mag-eenjoy sila dahil hindi boring ang kanilang matutunghayan at mapapakinggan. Pagkakataon na rin para makita nila kung paano kami nagta-trabaho para sa bayan,” wika ni Tugna.
Dahil naging kongresista bilang Kinatawan ng CIBAC Party List sa loob ng tatlong termino ay nagamit ni Tugna ang kaniyang experience sa Kongreso sa Sangguniang Bayan kaya naman maayos ang mga deliberasyon ng mga Kasangguni sa kanilang mga ipinapasang panukala, resolusyon at ordinansa.
Ang Karaniwang Pulong o session ng SB ng Lokal na Pamahalaan ng Bocaue, Bulacan ay isinasagawa tuwing araw ng Martes sa ganap na alas-2:00 ng hapon na pinangangasiwaan ni Vice Mayor Tugna kasama ang mga halal na konsehal ng bayan at kinatawan ng Sangguniang Kabataan at Liga ng mga Barangay.