MGA KAPARAANAN UPANG MAKAIWAS SA KAPAHAMAKAN O PANGANIB

Nakalulungkot na balita ang nangyaring pananambang sa isang beteranong komentarista sa radio. Batay sa mga ulat, ay walang awang pinagbabaril ng dalawang armadong lalaking sakay ng motorsiklo, sa Las Piñas City, Lunes ng gabi.

Ang nasawi ay si Percival Mabasa, na kilala bilang Percy Lapid. Isang Komentarista sa radio at kilalang malupit kung bumatikos, lalo sa inaakala niyang mga linta sa lipunan, higit sa mga lider na hindi niya pinagkatitiwalaan.

 

Tsk! Tsk! Tsk! Mga salarin na kapwa sakay ng motorsiklo? Itong mga ‘Criminal elements’ na riding in tandem, ay matagal ng pinagiisipan ng mga Maykapangyarihan at ng madla mismo, kung paano masusulosyunan. Walang maapuhap na kaukulang hakbang kung paano mahuhuli ang mga kriminal na naka-motorsiklo at kung paano ito masusugpo.

 

Kung meron man batas na nagbabawal ng dalawang sakay sa motorsiklo, ay kailangang ipatupad. Kung may CCTV, kailangan ang may nakasubaybsay na lagiang bantay, upang sa oras ng may kaganapang hindi kanais-nais ay agad na maialarma at maaksiyunan ng mga awtoridad. Kailangan ang lagiang pagala ng mga Barangay Tanod, umaga, tanghali at gabi. Kailangang maging mapagmatyag ang mga tao sa kapaligiran, at sinuhin ang mga taong aali-aligid sa dis-oras ng gabi, lalo at ito ay mga istranghero. Mag-alaga ng mga Asong bantay sa bahay, tahol nito ay hudyat laban sa kapahamakan o panganib. Kunin ang mga numero ng inyong mga kakilala at anumang Ahensiya ng pamahalaan, partikular na ang telepono ng Pulisya. Ang Kapitan ng isang Barangay ay kailangan lagiang nakasubaybay sa kanyang nasasakupan. At sinumang personalidad na nakakatanggap ng banta ng kamatayan ay kailangng laging handa at alerto sa anumang  mangyayari.

***

Bigyan pansin natin ang makabuluhang mensahe ni Bulacan Gov. Daniel Fernando, ng bumuhos ang tulong at abuloy sa limang bayaning tagapaglistas na nasawi dulot ng Bagyong Karding , kamakailan, narito po: “Nabalot ng pagdadalamhati ang mga araw sa ating lalawigan subalit bumubuhos ang pakikiramay, mga pinansyal na tulong mula sa iba’t ibang panig ng lugar at bansa para sa pamilya ng ating limang Bulakenyong bayaning tagapagligtas. Lubha po tayong nalulungkot sa nangyari. Hindi po natin ito inasahan at hindi kailanman hinangad na mangyari lalo na sa ating mga bayaning rescuers na mas pinili ang tumulong at iligtas ang buhay ng iba kahit ang kapalit nito ay kanilang sariling buhay. Marapat lamang na lahat ng insentibo at tulong ay ating maipagkaloob sa kanilang pamilya,” ani Fernando sa ginanap na ‘necrological service.’

***

Bumaling tayo sa giyerang Russia at Ukraine. Nagbanta ang lider ng Russia na si Putin na nakahanda siyang magpakawala ng nuclear bomb sa sinumang bansa na tutulong sa Ukraine? Habang tumatagal ay tila nababaliwala ang sinabi ni Putin, ibang taga-west ay nagkikibit balikat lamang sa naturang banta.

 

Tsk! Tsk! Tsk! Alalahanin na ang nangyari sa Pearl Harbor, Hawaii, ay nilusob ng mga eroplanong hapones, at pinagbobomba ang nasabing lugar, libu-libo ang nasawi, gayundin itong nangyari noong 9-11 attacks sa New York City, USA, kung saan marami ang namatay. Minsan kahit ‘advance’ pa sa ‘technology’ ang isang bansa, ay naiisahan pa din ng kalaban, iyan ay dahil sa pagkapabaya o kaluwagan sa sistemang pinaiiral. Tila yan ang kahinaan ng mga Amerikano. Kaya hindi dapat baliwalain ng mga Kano ang isang banta. Hanggang sa muli.