LUNGSOD NG MALOLOS – Pangungunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office ang mga Bulakenyo sa pag-alala ng Pambansang Araw Ng Watawat at pagdiriwang ng Pambansang Buwan Ng Pamana ngayong buwan sa isang palatuntunan sa Mayo 28, 2022, ika-8:00 ng umaga sa Bulacan Sentrong Pangkultura, Antonio S. Bautista Bulacan Provincial Capitol Compound dito.
Sisimulan ang palatuntunan sa pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa harap ng bantayog ni Gat Marcelo H. del Pilar at susundan ng paggugupit ng laso sa Bulwagang Guillermo Tolentino, Hiyas ng Bulacan Cultural Center para sa eksibit sa pagdiriwang ng ika-50 Taong Anibersaryo nito.
Para sa huling bahagi, isang programa rin ang gaganapin sa Tanghalang Nicanor Abelardo para sa pagpapalabas ng SINEliksik Bulacan Docu Special: “Ako ang Hiyas ng Bulacan Cultural Center”; paglulunsad ng “Pasyal Kultura sa Bulacan” Web Magazine and SHINE Bulacan Web Magazine na pangungunahan ni Dr. Sylvia Joaquin, vice chairman ng SHINE Bulacan project.
Dadalo rin palatuntunan ang muling nahalal na si Gobernador Daniel R. Fernando upang magbigay ng kaniyang mensahe kasama ang ilan pang mga panauhin na sina Vicente “Bong” Enriquez, pinuno ng Women of Malolos Foundation, Inc.; Dr. Cecilia Gascon ng Bulacan State University at Abgd. Lilly Freida C. Macabangun-Milla ng Commission on Higher Education.