Bulacan, nakapagbakuna ng 5M dosis ng bakuna kontra COVID

LUNGSOD NG MALOLOS– Nakapagbakuna na ang Lalawigan ng Bulacan ng kabuuang 5,240,671 dosis ng bakuna laban sa COVID-19 kabilang ang una at ikalawang dosis, single doses, at booster shots. 
 
Ayon sa covid19updates.bulacan.gov.ph website, 2,281,195 Bulakenyo ang kumpleto na ang bakuna habang 2,418,385 naman ang tumanggap ng kanilang unang dosis.
Gob Daniel Fernando
 
Dagdag pa rito, nakapagbakuna na ang lalawigan ng 541,091 indibidwal para sa kanilang booster o karagdagang dosis.

Tinatayang 75.68% ng 3,014,027 o 80% ng populasyon ng Bulacan ngayong 2022 ang kumpleto na ang bakuna. 

Patuloy na pinaalalahanan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang mga nasasakupan na huwag magpabaya dahil hindi pa rin nawawala ang COVID at mayroon pa ring mga tao na nakakakuha ng virus. 

“Hindi po ibig sabihin na mababa na ang ating mga kaso ng COVID ay tuluyan na po natin itong natalo. Maaaring maluwag po ang mga restriksyon sa ngayon ngunit babalik tayo sa paghihigpit na naranasan natin noong nakalipas na dalawang taon kung hindi tayo mag-iingat. Kaya naman po, ang hiling ko sa inyo ay lubusan pa rin po tayong mag-ingat, patuloy na magsuot ng face masks at sundin ang minimum health protocols upang tuluy-tuloy na ang ating maging tagumpay laban sa pandemya,” anang gobernador. 

Mula Marso 1, 2022 hanggang sa kasalukuyan, nasa ilalim pa rin ng Alert Level 1 ang lalawigan. 

Samantala, naitala ng Provincial Health Office-Public Health ang 4 na karagdagang kaso ng COVID noong Abril 18, 2022 na dumagdag sa bilang ng aktibong kaso na 56. 

Simula nang pandemya, nakapagtala ang Bulacan ng kabuuang 109,360 beripikadong kaso ng COVID-19, 107,627 na paggaling, at 1,677 na pagkamatay.