LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang paglulunsad ng multi-sectoral anti-vote buying campaign sa Lalawigan ng Bulacan ngayong araw upang makatulong sa pagsugpo ng pamimili ng boto at masiguro ang maayos, mapayapa, patas at inklusibong halalan sa darating na nasyunal at lokal na botohan sa Mayo 9, 2022.
Tinawag na “Our Vote, Our Future”, dinaluhan ang paglulunsad ng mga kinatawan mula sa mga ahensiya ng gobyerno, civil society groups, religious groups, academe, mga organisasyong pangkabataan at mga kumakandidato sa iba’t ibang posisyon na sumusuporta sa kampanyang anti-vote buying at anti-vote selling.
Ani Fernando, ang nag-uumapaw na suportang ipinakikita ng iba’t ibang mga sektor at mga kandidato sa anti-vote buying campaign ay isang indikasyon ng higit na partisipasyon ng mga botante sa pagtitiyak na sa darating na halalan ay masasalamin ang tunay na kalooban ng mga botante.
“I call on the people of Bulacan to be vigilant on the activities of the candidates who are aspiring for different elected positions in the upcoming elections. Vote buying undermines the democratic process and puts our future in great danger,” pagdiriin ni Fernando.
Pinaalalahanan din niya ang mga Bulakenyo na ang Lalawigan ng Bulacan, bilang duyan ng Unang Republika ng Pilipinas, ay dapat pahalagahan ang demokrasya tulad ng pakikipaglaban ng ating mga ninuno para sa ating kalayaan; ang pagkakaroon ng pribilehiyo at kalayaang pumili kung sino ang ating ihahalal para mamuno tungo sa pag-unlad.
Ang paglulunsad rin na ito ay itinakda kontra sa mga napaunang ulat ng maagang pagbili ng boto at pagbebenta ng boto na nagdudulot ng napakalaking banta at hindi dapat hinihikayat sa anumang pagkakataon lalo na at nagpapakita ito ng pagwawalang-bahala sa demokratikong kaugalian at higit sa lahat, lubos itong nakakaapekto sa integridad ng lalawigan.
Ang multi-sectoral anti-vote buying campaign ay inisyatibo ng Punong Lalawigan kasama ang mga katuwang nitong ahensiya ng pamahalaan, multi-sectoral groups at mga kumakandidato sa iba’t ibang posisyon.
Bahagi ng kampanya ang pagkakaroon ng agresibong kamalayan ng mga botante para sa mga mahahalagang aspeto ng eleksyon at mga pagkilos na ipinagbabawal upang sila ay magabayan sa demokratikong proseso.
Panawagan pa ng gobernador sa publiko na ipagbigay alam sa Comelec o sa Philippine National Police (PNP), mga militar at iba pang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas, ang anumang aktibidad ng mga pulitiko at kanilang mga taga-suporta na nagpapakita ng pamimili ng boto upang masampahan ng kaukulang parusa.
Ayon sa omnibus election code, ang isang indibidwal na napatunayang nagkasala sa pamimili ng boto ay maaaring makulong mula isa hanggang anim na taon bukod sa panghabambuhay na pagkadiskuwalipika na humawak ng pampublikong tungkulin na tiyak na tatapos sa kanilang karera sa pulitika.
Umaasa si Fernando na sa sandaling maging matagumpay ang multi-sectoral anti-vote buying campaign, ay maging halimbawa ito sa ibang lugar sa bansa at magsilbing ambag sa walang humpay at walang kumpromisong pagsisikap na puksain ang talamak na pagbili ng boto sa panahon ng halalan.