SINUSULAT ko ito ay kalilibing pa lamang ng aking kuya na si Jose Cerwil. Kilala namin sya bilang Kuya Weng. Isang mabait at mapayapang tao.
Mahirap ang pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Hindi mo alam kung saan ka kukuha ng sagot sa iyong mga katanungan. Saan siya pupunta? Magkikita pa ba kayo? Oo, andyan ang pananampalataya at ang iba’t-ibang paniniwala. Ngunit isa lang ang tiyak—walang permanente sa mundong ito.
Ang lahat—posisyon, katayuan, kayamanan, at buhay ay iiwan ng tao sa kanyang pagpanaw. Ang mga lugar, gusali, gubat, at iba pa ay mag-iibang anyo sa hinaharap, at ang lahat ng nakikita mo ngayon ay magbabago sa takdang panahon. Kung ikaw ay may time machine, halimbawa, at tutungo ka 100 taon sa hinaharap, sisiguruhin ko sa ‘yo na ang lahat ng kilala mong tao ay wala na. Iba na rin tiyak ang itsura ng daigdig, yun nga lang, hindi tayo nakatitiyak kung ang itsurang ito ay mas maganda o mas pangit.
Kaya nakapagtataka na ang tao ngayon ay nag-uubos ng kanyang isip sa mga bagay na walang katuturan. Nag-aaway sa posisyon at nagbabanggaan sa kapangyarihan. Nag-aagawan sa teritoryo ang mga tao at grupo mula sa pinakamababang nilalang hanggang sa pinakamalalaking bansa. Ngunit ang lahat ng ito ay walang katuturan.
Ano ba ang nangyari kay Adolf Hitler sa kanyang tangkang pagsakop sa daigdig? Hindi ba’t nabigo lamang sya at ang naging resulta lamang ay ang pagkamatay ng milyon-milyong tao? Bagama’t bahagi na ito ng kasaysayan, hindi pa rin ito naging aral sa tulad ni Putin na nagtatangka na namang makontrol ang ibang teritoryo. Oo, maraming kadahilanang kultural at politikal ang ibinibigay sa paglusob ng Russia sa Ukraine, subalit hindi pa rin katanggap-tanggap ang kamatayan at gutom ng mga tao na resulta ng pananakop na ito. Sabihin na nating masakop ng isang tao ang buong mundo. Ano ba ang mabuting magagawa nito para sa kanya o para sa kanyang bansa? Ang lahat ay walang katuturan.
Sa pananaw ng makatang si Khalil Gibran, tayo ay maihahalintulad sa mga asong naglilibing ng buto habang sinusundan ang mga pilgrim na patungo sa Banal na Lungsod. Pag-aaksaya lamang ng panahon ang paglilibing ng buto at ang mga alalahanin habang ika’y naglalakbay. Oo, mag-ipon ka at magsikap, at paghandaan ang hinaharap, ngunit kung inuubos mo ang oras mo sa bagay lamang na ito, magiging napakalungkot ng iyong buhay.
Nung kinakausap mo ba kanina ang anak mo o ang magulang mo ay nakikinig ka talaga, o ang isip mo ay nasa komputasyon ng tubo ng negosyo mo? Noong naglalakad ka ba kanina papunta sa trabaho ay napansin mo pa ang mga bulaklak sa gilid ng daan na namumukadkad sa kagandahan, o balisa ang isip mo dahil sa report na iyong gagawin sa opisina? Ang mga senaryong yan ay hindi na babalik dahil walang permanente sa daigdig.
Kung mayroon mang permanente na sinasabi ang mga parapsychologist, ito ay ang ating alaala o diwa ng mga nakaraan. Anila, ang consciousness o kamalayan ay hindi nawawala kahit pagkatapos ng kamatayan, at ito ay posibleng permanenteng bahagi na ng ating diwa saan man tayo paroroon. Kaya’t higit na mainam na magpundar ng nag-uumapaw na alaala kaysa sobra-sobrang yaman at ektarya.
Noong 1977, sa paglipat namin ng tirahan sa Bulacan, tuwang tuwa si Kuya Weng. Mga bata pa lamang kami noon. Pagdating pa lang namin sa bagong bahay ay masaya kaming naglaro, sumakay sa swing, at nakipagkilala sa mga bagong kaibigan. Hindi ko makakalimutan ang mga ngiti ni Kuya Weng noon na bahagi na ng alaalang babaunin ko saan man ako magtungo.
Walang permanente, kaya ating pahalagahan ang bawat sandali at mahalin ang bawat isa.
Rest in peace, our dear Kuya Weng!