Bulacan, mas pinalakas ang suporta sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng Sagip Saka Program

STRENGTHENING PARTNERSHIPS THROUGH SAGIP SAKA. Farmers, municipal agriculturists, and Bids and Awards Committee members join Vice Governor Alexis C. Castro, Provincial Agriculturist Ma. Gloria S.F. Carrillo, Department of Agriculture–Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS) Market Specialist III Cristine Baldelomar, and Sagip Saka National Program Management Office Market Specialist IV Atty. Domingo M. Abunda, Jr. during the provincial reorientation on the Sagip Saka Program conducted by the Provincial Government of Bulacan, through the Provincial Agriculture Office, on October 28, 2026, at The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, City of Malolos, Bulacan, to strengthen coordination and promote greater market access for local farmers and their cooperatives and associations.

LUNGSOD NG MALOLOS – Pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office (PAO), ang pagpapatupad ng Sagip Saka Program sa pamamagitan ng isang provincial reorientation na isinagawa noong Oktubre 28, 2026, sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, at dinaluhan ng mga kinatawan ng pamahalaang lokal at sektor ng agrikultura.

Dinaluhan ang pagsasanay ng mga magsasaka, municipal agriculturists, at mga miyembro ng Bids and Awards Committee upang higit na malinawan ang mga alituntunin sa programa, mapadali ang pagpapatupad nito, at mapatatag ang ugnayan ng mga lokal na pamahalaan at mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka.

Tinalakay sa aktibidad ang mga mahahalagang probisyon ng Sagip Saka Act, gayundin ang Farmers and Fisherfolks Enterprise Development Program (FFEDP) at ang Farmers and Fisherfolks Enterprise Development Information System (FFEDIS), na nagsisilbing gabay sa pagpapaunlad at pagsubaybay sa mga programang pangkabuhayan para sa mga magsasaka at mangingisda.

Binigyang-diin ni Panlalawigang Pinuno sa Pagsasaka Ma. Gloria S.F. Carrillo na hindi lamang isang karaniwang pagpupulong ang reorientation kundi isang mahalagang hakbang upang higit na mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa Bulacan sa pamamagitan ng mas maayos na pagpapatupad ng mga programang direktang sumusuporta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.

“Ang araw na ito ay hindi lamang karaniwang pagpupulong, ito ay isang hakbang tungo sa pagbabago at pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa Bulacan; sa pamamagitan ng Sagip Saka Act, binibigyan tayo ng kapangyarihan at pagkakataon na direktang suportahan ang ating mga lokal na magsasaka at mangingisda,” pahayag ni Carrillo.

Sa mensaheng ipinahatid ni Gobernador Daniel R. Fernando sa pamamagitan ni Chief of Staff Abgd. Nikki Manuel S. Coronel, kinilala ang mga magsasaka at mangingisda bilang tunay na bayani ng bansa dahil sa kanilang patuloy na pagsisikap na matugunan ang pangangailangan sa pagkain sa kabila ng mga krisis at suliraning pangkabuhayan.

“Ang ating mga magsasaka at mangingisda ang tunay na bayani ng ating bayan; naranasan natin nitong mga nakaraang panahon ang pagsasara ng maraming industriya at ang epekto ng iba’t ibang krisis, ngunit kayo ang patuloy na nagsasalba sa ating bansa at nagbibigay ng pagkain para sa ating lahat,” saad ni Coronel.

Ipinaliwanag naman ni Sagip Saka and Intellectual Property Assistant Secretary for High-Value Crops Abgd. Joycel R. Panlilio ang mas malawak na layunin ng Sagip Saka Act o Republic Act No. 11321, na hindi lamang nagpapahintulot sa direktang pagbili ng pamahalaan ng mga produkto.

“Ito rin ay batas na nagpapahintulot ng direktang pagbili ng pamahalaan mula sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda, mas malawak ang layunin nito na tulungan silang maging matagumpay na negosyante at magkaroon ng malawak na market,” dagdag ni Panlilio.

Sa pamamagitan ng reorientation, muling pinagtibay ang hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan na palakasin ang pagpapatupad ng Sagip Saka Program at magbigay ng mas maraming oportunidad sa mga magsasaka at mangingisda tungo sa isang mas matatag, inklusibo, at napapanatiling sektor ng agrikultura.