Nature-based flood solution sa Malolos gagayahin ng ASEAN countries

Ipriniprisinta ni Malolos City Mayor Christian Natividad kay Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang sinimulan nang Nature-Based Flood Solution na ipinalibot sa isla ng Pamarawan. Determinado ang kalihim na gawing modelo ang sinimulan sa Malolos sa iba pang mga coastal areas sa Pilipinas na labis na nakakaranas ng matinding pagbabaha. (Photo from Malolos City Information Office)

Irereplika ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang nature-based flood solution project na sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa Bulacan.

Ito ang ipinahayag ni Malolos City Mayor Christian Natividad matapos ang isinagawang 3-day Environmental Summit ASEAN-Netherlands Cross Learning Workshop noong September 28-30, 2026 sa city hall ng Lungsod ng Malolos bilang host country sa giananap napagtitipon.

Ang nasabing pagtitipon ay follow up sa Singapore International Water Week kung saan tampok at naging highlight ang nature-based solution ng City Government ng Malolos na agad na-recognize ito kaya naman  isinagawa ang environmental summit sa Asia sa Pilipinas sa mismong lugar kung nasaan naroon ang pilot project.

Ayon kay Natividad, ang kanilang proyekto na makikita sa 14-hectare coastal area na pinondohan ng city government ng halagang P70-million ang biggest nature-based solutions flood mitigation management project sa buong mundo at mas kumplikado kesa sa ibang nature-based solutions na nailatag na sa ibang panig ng mundo.

Ang naturang summit ay dinaluhan ng mga delegado mula sa ibat-ibang bansa sa pangunguna ni Kingdom of the Netherlands Ambassador to the Philippines Roderick Wols kung saan kasama sa aktibidad ang personal na pagbisita at paglibot ng mga ito sa North Manila Bay Nature-based Flood Solution sa Isla ng Pamarawan na isang latiang barangay sa Malolos na nasa bungad ng Manila Bay. 

Ayon kay Natividad, ito ang nagsisilbing flagship project bilang kasapi ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan sa Bulacan at Pampanga na naisakatuparan sa pamamagitan ng tulong-teknikal mula sa Kingdom of the Netherlands. 

May temang “Beyond the Risk: Strategic Choices for Climate Resilient Countries in ASEAN,”  layunin ng pagtitipon na pagsama-samahin ang mga kinatawan at stakeholder mula sa ASEAN kung saan tinalakay  ang mga problemang dulot ng climate change kaya naman malaking hamon sa delegasyon na tuklasin ang mga makabago at napapanahong mga  hakbang upang higit pang mapalakas ang kahandaan at katatagan ng mga komunidad.

Nabatid na ang Malolos ang unang lungsod ang gumamit ng bagong estratehiyang Nature-Based Solution na katuwang sa pagdisenyo ang Netherlands Enterprise Agency (RVO), Rijkswaterstaat, at Dutch engineering firm Royal HaskoningDHV—isang hakbang na nagpapakita ng kahalagahan ng paggamit ng mga solusyong nakabatay sa kalikasan upang makatulong sa pagbuo ng mas ligtas at matatag na mga komunidad.

Taong 2024 nang pasimulan ang proyekto na agad nasubok nitong nakaraang matitinding pag-ulan, sunud-sunod na malalakas na bagyo at Habagat noong Agosto 2026. 

“Ang kagandahan ng nature-based solution, you are not compelled to choose between nature-based or green projects and grey projects. Pwedeng hybrid, pagsasamahin yan hindi kailangan mamili magsusuportahan ang mga yan,” wika ni Natividad.

“One thing is good with nature-based solution, madali ito i-repair compare sa concrete built kapag nasira matagal ang proseso sa pagpapalabas ng pondo, hindi kagaya ng nature-based 1 to 2 days repaired na yan.”

Ayon sa alkalde, tatlo ang pangunahing materyales na ginamit sa nasabing proyekto na pawang sumusuporta sa istraktura kabilang ang sediment trapping units na gawa sa kawayan na dinisensyo upang maibalik ang ecological balance sa Pamarawan kung saan sa pamamagitan ng bagong patubuan at pagpapalago ng mga bakawan ay magsisilbi itong bagong sangtuwaryo ng mga yamang dagat. 

Para matiyak na hindi maaanod ng dagat ang ginawang sediment trapping, may nilagay na enhanced breakwater structures upang pumigil sa malakas na alon at maging ng high tide at ito ay ang shell ng talaba, tahong at iba pang aquatic resources habang ang Green Embankment ay mga nabuong putik mula sa mga  alon na sa pagdaan ng panahon ay magsisilbing natural na dike.

Sa ikatlong araw ng pagtitipon ay dumalo rin si Secretary Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sinamahan ni Natividad upang personal na makita ang proyekto na kung saan ay nagpahayag ang Kalihim ang interes na i-adopt ang nasabing prject ng national government at gawin itong modelo sa iba pang latian o coastal areas lalo na sa Pampanga na hanggang ngayo’y may mga lugar pa na hindi pa humuhupa ang tubig.

Pinuri ni Dizon ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna sa pag-aampon ng mga soft-engineering climate adaptation practices. 

Nabanggit ni Secretary Dizon na ang mga technical team mula sa DPWH ay magsasagawa ng mga performance assessment upang matukoy ang posibilidad ng pag-scale at pagkopya ng mga hybrid barrier na gawa sa coconut-oyster shell sa iba pang mga vulnerable coastal area sa buong bansa.

Para sa kalihim, isang patotoo ang Pamarawan Nature-based Solution na kaya ng pamahalaan na isulong ang isang partikular na proyekto basta’t gagamitin ang pondo sa tamang presyo, takdang panahon at nararapat na paggawaan. 

Samantala, naging pagkakataon ang ASEAN-Netherlands Cross-Learning Workshop upang pormal na mapagtibay nina Secretary Dizon at Ambassador Wols ang bagong kooperasyon upang mapalawak pa ang mga nature-based projects sa iba’t ibang coastal areas ng Pilipinas. 

Habang pinagtibay naman ng mga delegado mula sa ASEAN na gagawing prayoridad ang tagumpay ng Malolos na ihahain sa mga lider ng mga bansang kasapi sa paparating na 49th ASEAN Summit and Related Summits. 

Dagdag pa ni Natividad na maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Climate Change Commission ay nagpahayag din ng interes sa naturang proyekto.