Sa World Teachers’ Day: Villanueva binigyang-pugay ang mga Pilipinong guro, isinusulong ang karagdagang benepisyo para sa kanila

Ngayong World Teachers’ Day, nagbigay-pugay si Senador Joel Villanueva sa mga guro ng bansa at idiniin na ang pagkilala sa kanilang serbisyo ay dapat maging tunay at patuloy na suporta para sa kanilang kapakanan.

Sa kanyang video message para sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day ng Department of Education (DepEd) sa Araneta Coliseum nitong Lunes, ipinahayag ni Villanueva ang kanyang pasasalamat sa libu-libong gurong nagtipon para sa okasyon, gayundin sa buong DepEd family sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara.

“Maraming, maraming salamat po sa lahat ng inyong mga sakripisyo, dedikasyon, at pagmamahal para sa kabataang Pilipino,” sabi ni Villanueva.

“Lagi ko pong sinasabi na ang kabataan ang may-ari ng ating kinabukasan. Pero kayo pong mga guro ang humuhubog sa mga kamay na hahawak nito,” dagdag niya.

Ayon kay Villanueva, co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2), patuloy niyang isusulong ang mga hakbang upang magbigay ng karagdagang suporta sa mga guro at personnel, gaya ng Senate Bill No. 1606 o panukalang Allowances for Public Basic Education Personnel Act.

Ipinapanukala ng batas ang P3,000 allowance kada tatlong buwan para sa pambili ng grocery at para sa transportasyon, at P2,000 allowance kada tatlong buwan para sa pagpapagamot o iba pang gastusing medikal. Ang mga iminumungkahing halagang ito ay babaguhin o iaakma tuwing tatlong taon batay sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Binigyang-diin ni Villanueva na dapat gawing permanente ang ganitong tulong na ibinibigay sa mga manggagawa sa sektor ng edukasyon at hindi dapat umasa lamang sa kung may natitirang pondo o sa diskresyon ng mga nasa administrasyon.

Kinikilala ng panukalang batas ang mahalagang papel ng mga non-teaching personnel, na ang trabaho ay mahalaga upang mapanatiling gumagana ang mga pampublikong paaralan at upang pahintulutan ang mga guro na magpokus sa kanilang pangunahing responsibilidad na magturo.

Bilang anak ng mga guro sa pampublikong paaralan, sinabi ni Villanueva na nauunawaan niya ang mga mithiin ng mga guro at ang kanilang hangaring patuloy na mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa.

“Saludo po tayo sa ating mga guro at teaching personnel. Pero higit sa palakpak, bigyan natin sila ng benepisyo at suporta, dahil ang nag-aalaga sa ating kinabukasan, dapat inaalagaan din,” sabi ni Villanueva.