“Ang pamumuno ay hindi tungkol sa kasarian, itsura, o popularidad” – Boy Governor Santos

LUNGSOD NG MALOLOS – “Ang pamumuno ay hindi kailanman tungkol sa kasarian. Hindi kailanman tungkol sa itsura. Hindi kailanman tungkol sa popularidad.”

Ito ang mensahe ni Cjay J. Santos mula sa Ramona S. Trillana High School sa Hagonoy, sa pagtanggap niya ng tungkulin bilang Boy Governor sa ginanap na Transfer of Responsibilities and Oathtaking Ceremony of Boy/Girl Officials 2026, sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito noong Lunes.

“Today, I stand before you not only as a youth leader, but as someone who proudly represents the rainbow community. At gusto kong maging paalala sa bawat kabataang naririto na ang ating pagkatao ay hindi kailanman magiging hadlang sa ating kakayahang mamuno,” ani Santos.

Samantala, pinayuhan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga kabataang lider na maging pamilyar sa mga mahahalagang isyu ng lipunan, na binigyang-diin ang gulo sa mga paaralan, paggamit ng AI, at ang scandal ng flood control.

“You are the next generation, mga Gen Z, na magiging leader, at kayo ang titindig dito para magbigay ng mga salita ng inspirasyon sa ating mga kabataan. Walang nakakaalam. Baka ‘yung isa inyo maging presidente ng Pilipinas,” anang gobernador.

Sa buong linggo, maliban sa trabahong pang-opisina, tutungo ang mga lider-estudyante sa familiarization tour sa Hiyas ng Bulacan Museum, Isidoro Torres Hall Mural, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Center; mag-aaral tungkol sa Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act; dadalo sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan; at makikiisa sa Boy/Girl Officials Recognition Day.

Hangarin ng taunang programa ng Boy/Girl Officials na bigyan ang mga kabataan ng hands-on experience sa lokal na pamamahala, leadership responsibilities, at serbisyo-publiko.

Ang Republic Act No. 10742 o ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015 ang nagsisilbing pundasyon para sa inisyatiba.