Pagtamo ng Single-Digit poverty rate, malaking handog sa diwa ng Kongreso ng Malolos

Kinikilala ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang matagumpay na pagkakatamo ng single-digit poverty rate ay isang malaking handog sa Kongreso ng Malolos na siyang naglatag ng bisyon para magbigay ng katarungan, dignidad at kaginhawahan sa bawat mamamayan. Pinangunahan ng kalihim ang Ika-128 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos sa simbahan ng Barasoain, Lungsod ng Malolos, Bulacan. (Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Maihahandog ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino sa mga ninuno nating nagbukas at nagsesyon sa Kongreso ng Malolos, ang pagkakatamo ng single-digit poverty rate sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Iyan ang binigyang diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nang pangunahan niya ang Ika-128 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Sesyon ng Kongreso ng Malolos sa makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.

Aniya, resulta ito ng whole-of-government approach kaya’t naging matagumpay ang mga programang kinonsepto upang labanan ang kahirapan gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Natamo ng Pilipinas ang 9.7% single-digit poverty rate matapos itong kumpirmahin ng World Bank kamakailan. Mas maaga ito sa target na taong 2028 base sa 2023-2028 Philippine Development Plan ng administrasyong Marcos Jr.

Sa tala ng National Anti-Poverty Commission o NAPC, malayo na ang pinanggalingan ng pagbaba ng antas ng kahirapan sa bansa mula sa naitalang 39% noong 2001. Sa pagtatapos ng administrasyon ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2010, napababa ito sa 26.3%. Pinababa pa ito sa 23.3% noong 2015 sa ilalim ni Dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

Umabot naman sa 16.6% ang ibinaba pa ng poverty rate noong 2018 sa administrayon ng noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte, bagama’t bahagyang umangat sa 18.1% noong 2021 dahil sa pandemya.

Sa panahon lamang ni Pangulong Marcos Jr. natamo ang 9.7% single-digit poverty rate na kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa. Ayon pa kay Secretary Gatchalian, bagama’t magandang balita ito, lalo aniyang dapat magpursige ang pamahalaan upang mapababa pa ito at mapanatili ang kapanatagan at kaginhawahan sa pamumuhay.

Malaki ang ginagampanang papel ng DSWD sa pag-alalay sa mga mahihirap na sila’y matagumpay na makatawid sa kahirapan tungo sa kaginhawahan. Ang DSWD ay dating Departamento de Fomento na isa sa mga unang ahensiya na itinatag sa bisa ng mga ipinasa sa Kongreso ng Malolos upang magbigay ng katarungan, dignidad at kaginhawahan sa bawat mamamayan.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Gobernador Daniel Fernando na habang patuloy na nilalabanan ang kahirapan, huwag din aniyang kalimutan ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng pagpapahalaga. Ito’y upang iwaksi ang kasinungalingan, pagsisiraan at pagkakanya-kanya. Kinakailangan aniya na ang pinagmanahan ng Kongreso ng Malolos ay magsilbing tagapangalaga ng Republika at panatilihing malaya ito.