
LUNGSOD NG MALOLOS – Umabot sa P86.17 milyong halaga ng tulong at serbisyo ng pamahalaan ang naihatid sa mga Bulakenyo sa pamamagitan ng nationwide Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat na idinaos noong Setyembre 14, 2026 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, kasabay ng mga aktibidad na isinagawa sa iba’t ibang lokasyon sa lalawigan.
Bilang isang malawakang pagtutulungan ng mga nasyunal at lokal na pamahalaan, isinagawa ang programa bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., upang mas mailapit sa mga komunidad ang serbisyong panlipunan, tulong pangkabuhayan, oportunidad sa trabaho, serbisyong pangkalusugan, at iba pang pangunahing serbisyo ng pamahalaan.

Kabilang sa mga pangunahing tulong na naihatid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Local Government Support Fund–Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU) Rice Distribution Program kung saan 1,052 sako ng tig-10 kilo ng bigas ang ipinamahagi, habang sa pamamagitan ng Damayan sa Barangay, nagbigay ng libreng medical checkup at konsultasyon, serbisyong dental, laboratory tests, konsultasyon sa mata, at mga gamot.
Para naman sa mga magsasaka, mangingisda at benepisyaryo ng repormang agraryo, 23 Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) at 107 electronic titles ang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR); anim na multi-cultivator, 23 shallow tube well, 100 sako ng pataba, 50 gill nets, walong knapsack sprayer, 50 plastic crates, at 10-kilo na assorted vegetable seeds ang naipamahagi ng Department of Agriculture (DA); tool kits para sa Shielded Metal Arc Welding National Certificate Level II na ipinagkaloob ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA); at P60,999,452.50 na Tertiary Education Subsidy assistance na inilaan ng Commission on Higher Education (CHED).
Kasabay ng mga serbisyong isinagawa sa pangunahing lugar, mahigit 400 alagang hayop ang nabigyan ng libreng kapon, anti-rabies vaccination, at medical consultation sa veterinary medical mission ng Provincial Veterinary Office, habang itinayo naman sa harap ng The Pavilion ang KADIWA ng Pangulo sa Singkaban na nag-alok ng abot-kayang produktong agrikultural kabilang ang P20 na bigas.
Pinangunahan ang programa sa Bulacan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Department of Foreign Affairs Undersecretary Maria Theresa B. Dizon-De Vega, habang isinagawa ang mga serbisyo sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at DSWD, DA, DAR, Department of Education (DepEd), CHED, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI), TESDA, Department of Transportation (DOTr), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Justice (DOJ), Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Binigyang-diin ni Fernando na ang tunay na layunin ng paghahatid-tulong ng pamahalaan ay hindi lamang ang pamamahagi ng serbisyo kundi ang pagbibigay sa mga Bulakenyo ng mas malaking kakayahang kumita, makapagsimula, at makabuo ng mas magandang kinabukasan.
“Dito sa Provincial Government of Bulacan, tungkulin nating tiyakin na ang mga oportunidad na ito ay talagang makararating at mararamdaman ng ating mamamayan dahil ang serbisyo ay hindi natatapos sa pamamahagi, ang tunay na layunin nito ay mabigyan ang ating mga kababayan ng kakayahang kumita, makapagsimula at magkaroon ng mas magandang kinabukasan” saad ni Fernando.





