
LUBAO, Pampanga (PIA) – Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Housing Authority (NHA) na asikasuhin agad na magkaroon ng bago, ligtas at disenteng matitirahan sa mga pamilyang nawalan at nasiraan ng bahay sa Lubao, Pampanga bunsod ng malawakang pagbaha.
Pawang mga taga barangay Santa Rita nasabing mga biktima. Kinain nang rumaragasang tubig ang lupang kanilang tinitirikan, kasunod ng pagkasira ng Sto. Cristo Dam sa nasabing barangay sa kasagsagan ng matinding pag-ulan na dala ng habagat.
Kabilang sila sa 201 na mga pamilya na katumbas ng 649 na mga indibidwal na kinamusta ng Pangulo sa Lubao.
Bukod sa pagkakaloob ng tig P10,000 halaga ng tulong pinansiyal, maiinit na pagkain, food packs at mga kitchen kits mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), patuloy silang kinakalinga sa mga evacuation center na ipinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga.
Matatagpuan ito sa Barangay Santa Catalina kung saan katabi nito ang iba pang mga evacuation center na ipinagawa sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR at ng Office of the Civil Defense.
Kaugnay nito, sinabi ni Pampanga Governor Lilia Pineda na tututukan ng pamahalaang panlalawigan at sa tulong ng tanggapan ni dating Pangulo at Pampanga 2nd district representative Gloria Macapagal Arroyo, na agad na masimulan ang rehabilitasyon ng nasabing dam upang matiyak na hindi na maulit ang matinding pagragasa ng tubig.
Samantala, sinamahan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon si Pangulong Marcos sa pangangamusta sa mga pamilyang pinaka naapektuhan malawakang pagbabaha.
Layunin nito na masuri kung anu ano pa ang mga dapat at maaring maibaba na mga tulong para sa mga Kapampangan mula sa pamahalaang nasyonal.





